Filtered By: Topstories
News

Erap lusot na sa kasong ilegal na paggamit ng 'alyas'


MANILA – Kinatigan ng Korte Suprema nitong Huwebes ang naunang desisyon ng Sandiganbayan na ibasura ang kaso laban kay dating Pangulong Joseph Estrada kaugnay sa ilegal na paggamit ng “alyas." Sa 28-pahinang desisyon ng SC na pinonente ni Associate Justice Arturo Brion, sinabi na magiging ilegal lamang ang paggamit ng alyas kung ito ay “public and habitual" – alinsunod sa isinasaad ng Commonwealth Act 142 na inamyendahan naman sa Republic Act (RA) 6085. Sa kaso ni Estrada, sinabi ng mga mahistrado na ginamit ng pinatalsik na lider ang alyas na “Jose Velarde" sa mga pribadong transaksyon. “In the case of Estrada, all of his representations as ‘Jose Velarde’ were made in privacy and in secrecy. The presence of bank officers, his chief of staff Aphrodicion Lacquian, and lawyer friend Fernando Chua when the alias was used does not indicate his intention to be publicly known as ‘Jose Velarde,’" nakasaad sa desisyon ng SC. Idinagdag sa desisyon na ginawa ang account sa pangalan ni “Jose Velarde" bago pa man maisabatas ang Anti-Money Laundering Act (RA 9160), na nagbabawal sa paggamit ng anonymous accounts at accounts na gamit ang huwad na pangalan. Nilinaw din ng mga mahistrado na ang desisyon ay para lamang sa katanungan kung maaaring kasuhan si Estrada sa ilegal na paggamit ng alyas, at hindi kasama ang usapin sa legalidad ng paggamit ng alyas. “We do not decide here whether Estrada’s use of an alias when he occupied the highest executive position in the land was valid and legal; we simply determined whether he may be liable for the offense charged based on the evidence the People (complainants) presented," ayon sa desisyon. - GMANews.TV