ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

‘Video scandal’: Sen Revilla galit kay Dr. Hayden Kho


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Galit na tumayo sa plenaryo ng Senado nitong Martes ang actor/politician na si Sen. Ramon “Bong" Revilla Jr. upang kondenahin ang umano’y “sex video" scandal na kumakalat ngayon sa Internet at cellular phone ng prominenteng babae kasama ang kontrobersiyal na duktor na si Hayden Kho. Sa kanyang talumpati, tinawag ni Revilla na “manyak" at " buwang" si Kho at nanawagan sa kinauukulan na tanggalan ito ng lisensiya bilang duktor. “Sa video mismo, makikita ang masamang intensiyon nito na patagong isinet-up ang kamera at ipinuwesto ang babae para siguradong makukunan. Ginoong Pangulo, ang tinutukoy ko po ay si Dr. Hayden Kho, who is pervert of the highest kind, a predator who has no conscience nor respect for women," ayon kay Revilla. “Ang nakakalungkot pa nito, Mr. President, itong babae pa mismo, these past weeks ang naririnig natin na nagso-sorry. Pero ni minsan, itong manyak na ito ay hindi humingi ng paumanhin," idinagdag ng senador. Bagaman hindi tinukoy ni Revilla sa kanyang talumpati kung sino ang babae na kasama umano ni Kho sa sex video, pinangalanan naman nito sa hiwalay na pahayag nitong Martes ang aktres na si Katrina Halili. Sinabi ng senador na kalat na sa Internet site at mga cellphone ang naturang sex video. “Lilinawin ko lang Mr. President, the acts in the video itself is not what I am angry about, kundi ang paraan ng paglinlang nitong duktor na ito, taking advantage of the trust, confidence and emotions ng kanyang girlfriend, para makunan ang video at ipakalat ito sa publiko, which has definitely ruined the dignity and honor of these poor and hapless women," ayon kay Revilla. Sinabi ng senador na nakakaawa ngayon ang kalagayan ng babae na nasa state of depression at hindi makalabas ng bahay. Iginiit ni Revilla na dapat tanggalan ng lisensiya bilang duktor si Kho dahil nagpakita ito ng imoralidad at dishonorable conduct na siyang ipinagbabawal sa Medical Act of 1959. “This is the reason that I have already written the Professional Regulatory Commission to revoke the license of Dr. Hayden Kho and ban him from the practice of medicine perpetually. He has no right to treat patients just knowing his state of mind fully well," pagdiin ng mambabatas. “Paano mo ipagkakatiwala ang anak mong babae sa ganitong duktor?"... This perversity poses a risk to the public that according to studies will escalate to further acts of perversity. Huwag na nating hintayin na may iba pa siyang mabiktima," idinagdag niya. Sinabi ni Revilla na naghain na rin siya ng panukalang batas upang patawan ng parusa ang mga taong gagawa ng katulad ng ginawa ni Dr. Kho. “Ito ang dahilan kung bakit isinumite ko itong Senate Bill No. 12 na magpaparusa sa mga taong gumagawa nito. I believe that voyeurism should be punished, and the publication of sex videos with or without the consent of the parties should be dealt with properly," ayon kay Revilla. Sinabi sa GMA news 24 Oras nitong Martes na hindi muna magbibigay ng pahayag si Kho. Pinayuhan naman umano ng talent manager na si Lolit Solis si Kho na harapin at tanggapin ang magiging parusa sa ginawa nito. - GMANews.TV