ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

OFW na nakaligtas sa bitay uuwi na sa RP


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Inaasahang sa susunod na linggo makababalik ng Pilipinas ang domestic helper sa Kuwait na nakaligtas sa parusang bitay matapos pagkalooban ng kapatawaran ng Kuwaiti emir nitong Hunyo, ayon sa Department of Foreign Affairs. Sa isang pahayag ng DFA nitong Biyernes, sinabing iniurong sa Hunyo 30 ang pag-uwi ni May Vecina sa halip na Hunyo 24 na unang inanunsyo ng Overseas Worker Welfare Administration (OWWA). Si Vecina, 30-anyos, may 2 anak sa North Cotabato, ay hinatulan ng kamatayan ng korte sa Kuwait dahil sa pagpatay sa anak ng kanyang amo noong Enero 2007. Bukod sa pagpatay, kinasuhan din si Vecina ng dalawang kaso ng bigong pagpatay sa dalawa pang anak ng kanyang amo. Sa paglilitis ng kanyang kaso, sinabi ni Vecina na dumanas siya ng pisikal at mental na pang-aabuso sa kanyang amo kaya nagkaroon ito ng “temporary insanity." Sa kabila nito, nagdesisyon ang Kuwait Supreme Court na ipataw sa kanya ang hatol na kamatayan. Ngunit noong Hulyo 2008, ibinaba ng emir ng Kuwait sa habambuhay na pagkabilanggo ang hatol ni Vecina. At dahil sa magandang asal na ipinakita sa kulungan, tuluyan na siyang pinatawad ni Kuwaiti Emir Sabah al-Ahmad al-Jaber al-Sabah. - GMANews.TV