ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bisa ng cellphone 'load' pinahaba


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Nagpalabas ng kautusan nitong Biyernes ang National Telecommunications Commission (NTC) para pahabain ang buhay ng mga prepaid credits sa mga mobile phones na mas kilala sa tawag na “load." Sa Memorandum Circular No. 03-07-2009 na ipinalabas ng NTC, ang prepaid card na P10 ang halaga ay dapat tumagal ng tatlong araw sa halip na isang araw. Ang P30 naman ay tatagal ng 15 araw, habang ang prepaid card na P50 hanggang P100 ay maaaring gamitin ng isang buwan. Ang mga load na P100 hanggang P150 ay magagamit ng hanggang 45 araw, samantalang dalawang buwan ang itatagal ng credit load na mula P150 hanggang P250. Mananatili naman sa 75 araw ang bisa ng load na P250 hanggang P300, at 120 araw ang bisa ng load na mahigit P300. Magkakabisa ang naturang patakaran 15-araw matapos itong mailathala sa mga pahayagan. Ayon sa NTC, dapat madagdagan din ang bisa ng load sa tuwing kinakaragahan ang cellphone kahit may natitira pang balanse. Kung may nalalabing P20 sa load ng cellphone at nagkarga ang gumagamit ng P10 load, dapat tumagal ng 15 araw ang bisa ng load dahil P30 na ang kabuuang halaga ng load, paliwanag ng NTC. Dapat din umanong maging libre ang gagawing balance inquiry ng subscribers sa pamamagitan ng text message. Taong 2000 nang magpalabas ng kautusan ang NTC na nagsasaad na dapat tumagal ng dalawang taon ang expiry period ng prepaid cards. Ngunit kinuwestiyon ito ng mga telecommunications companies sa korte at hindi na umusad dahil sa ipinalabas na temporarily restraining order. Kasama sa ipinalabas na kautusan noong 2000 ang mahigpit na panuntunan sa disconnected call o dropped call para protektahan ang mga konsumer. Sa bagong Memorandum Order 03-06-2009, inutos ng NTC na dapat hanggang dalawang dropped calls lamang ang papahintulutan sa bawat 100 tawag mula sa dating limang dropped calls. Ipinagbawal din ng NTC ang mga “push" messages, na kadalasang laman ay mga “commercial offerings, promotions, advertisements at surveys." “Subscriptions or requests for contents and/or information shall be initiated by the subscribers," nakasaad sa draft circular ng NTC. Sa taong ito, lumitaw na may 33 reklamo ang isinampa laban sa Globe Telecom dahil sa mga spam text messages, at 69 laban sa Smart Communications Inc. Naresolba naman ang lahat ng reklamo. Samantala, 10 reklamo naman ang isinampa sa Globe, anim sa Smart tungkol sa nawawalang load. Magpapalabas din umano ang NTC para gawing per-second ang singil sa tawag sa cellphone kaysa per-minute na ginawa ngayon. - GMANews.TV