ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Seguridad sa SONA ni Arroyo inihahanda ng PNP


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Inilalatag na ng Philippine National Police (PNP) ang public security safety plan upang matiyak ang kaayusan sa nakatakdang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa Hulyo 27. Gagawin ang SONA ng pangulo sa bulwagan ng Kamara de Representantes sa Quezon City na dadaluhan ng mga mambabatas, opisyal ng gobyerno at mga dayuhang opisyal at dignitaryo. Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ni PNP chief Director General Jesus Verzosa na binuo niya ang Task Force Kapayapaan na nasa ilalim ng pamamahala ni Chief Superintendent Roberto Rosales, pinuno ng National Capitol Regional Police Office. “I have directed all our involved units to ensure that all public activities will be peaceful and orderly during this nationally significant day where the President will deliver her message to the Filipino people," paliwanag ni Verzosa. Ang naturang task force ang mamamahala sa usapin ng seguridad, civil disturbance management, traffic management and control, at iba pang aktibidad na may kaugnayan sa gaganaping pagtitipon. Mananatiling bukas umano ang linya ng komunikasyon ng PNP sa mga lider ng iba’t-ibang grupo na magsasagawa ng protesta para maiwasan ang mga karahasan. Sa SONA ilalahad ni Gng Arroyo ang mga nagawa ng kanyang administrasyon sa nakaraang taon pati ang mga plano nitong gawin sa natitirang isang taon ng kanyang termino sa Hunyo 2010. Nakipag-ugnayan umano ang PNP sa Office of the Sergeant-at-Arms sa Kamara at Senate, at sa Presidential Security Group ng Malacanang masiguro ang kaligtasan ng mga dadalo sa SONA. - GMANews.TV