ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Presyo ng krudo sa RP bababa pa - DOE


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Dapat umanong asahan ng mga motorista ang pagbaba pa sa presyo ng mga produktong petrolyo sa mga susunod na araw, ayon sa Department of Energy (DOE) nitong Martes. Sinabi ni DOE Oil Industry Management Bureau Director Zenaida Monsada na mayroon pang mga indikasyon na bababa ang presyo ng mga produktong petrolyo batay sa listahan ng lingguhang price monitoring. "Hindi kami magsasabi kung magkano dahil wala tayong maliwanag na pricing formula. Pero mayroon kaming indication kung magkano ang dapat asahan, pero ‘di namin sasabihin sa publiko," paliwanag ni Monsada sa panayam ng dzBB radio. Idinagdag ng opisyal na maging si DOE Secretary Angelo Reyes ay umaasa na magbababa pa ng presyo ang mga oil companies kasunod ng rollback na ipinatupad noong nakaraang linggo. Pinuna ni Monsada na nagbawas na ang “Big Three" - Petron, Chevron at Shell – ng P1.50/liter sa kanilang produktong petrolyo, habang mas malaki naman ang ibinawas ng UniOil na umabot sa P4.75 per liter. Pupulungin umano ni Reyes ang mga kinatawan ng “Big Three" upang hingan ng paliwanag kung bakit hindi nila kayang ibaba halaga ng kanilang produkto sa presyong ginawa ng UniOil. Naniniwala umano si Reyes na kulang ang ipinatupad ng rollback ng mga “Big Three," ayon kay Monsada. Sa kabila nito, aminado si Monsada na hindi maaaring diktahan ng DOE ang oil companies sa presyo ng kanilang produkto dahil sa umiiral na batas sa oil deregulation. Iginiit pa ng opisyal na pinakamura pa rin ang presyo ng langis sa Pilipinas kumpara sa ibang bansa sa Asya. - GMANews.TV