ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Nag-alok ng 'first kiss?': Mayor kinasuhan ng sexual harassment


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Nahaharap ngayon sa kasong sexual harassment ang alkalde ng Alamada, Cotabato dahil umano sa pag-alok nito sa kanyang empleyada ng “unang halik," pag-ayang kumain sa labas, paghawak sa ulo at pag-spray nito ng pabango. Ang sexual harassment na isinampa sa Office of the Ombudsman sa Mindanao ay inihain ni Emma Flor Edquibal laban sa “boss" na si Alamada mayor Ernesto M. Concepcion. Napag-alaman na pangalawang kaso ito ng sexual harassment laban kay Concepcion. Noong nakaraang Hunyo, naghain ng reklamo laban sa alkalde si Rhea Orejudos, dating empleyada ng Department of Social Work and Development sa Alamada. Batay sa bagong reklamo ni Edquibal, sinabi nito na nagsimulang magsamantala sa kanya ang alkalde noong Hulyo 17, 2007 – pangalawang araw pa lang niya sa trabaho bilang administrative aide. Kabilang umano sa pagsasamantala na ginawa sa kanya ni Concepcion na nangyari sa magkakaibang araw ay paghawak sa kanyang puwetan, pagpisil sa kanyang braso, paghawak sa kanyang ulo at pag-spray sa kanya ng pabango para maging pareho umano ang kanilang amoy. Minsan din umanong tinanong ng akusado ang nagrereklamo kung nahalikan na ito. Nang sumagot si Edquibal na hindi pa, nagboluntaryo umano si Concepcion para maging “first kiss" ng kanyang empleyada. Ilang ulit din umanong bumubulong sa kanya ang alkalde ng ‘I love you,’ at inaaya siyang kumain sa labas at mag-shopping sa Davao City. Sinabi ni Edquibal na hindi niya pinagbigyan ang lahat ng alok ng alkalde. “These are uninvited and unwelcome verbal and physical acts or behavior of a sexual nature of a person in authority toward a subordinate employee, and said acts resulted in an intimidating, hostile, or offensive environment or atmosphere for complainant in the workplace," nakasaad sa resolusyon ng Ombudsman for Mindanao upang isampa ang kaso laban kay Concepcion. Maliban sa paghawak sa ulo at pag-ayang kumain sa labas, pinabulaanan na ni Concepcion ang iba pang ibinibintang ni Edquibal. Sinabi ni Concepcion na walang malisya ang kanyang ginawa dahil maging ang iba niyang empleyado ay inaalok niyang kumain sa lumabas. Ngunit mas binigyan ng bigat ng Ombudsman ang bersiyon ng empleyada dahil nabigo umano si Concepcion na magbigay ng dahilan kung bakit siya irereklamo ni Edquibal. - GMANews.TV