ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dahil sa utos ni Arroyo: Sin taxes rerepasuhin ng Kamara


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Kasunod ng deklarasyon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na buwisan ang mga produkto na may masamang epekto sa kalusugan, ipagpapatuloy ng House Committee on Ways and Mean ang pagdinig sa mga nakabinbing panukalang batas tungkol sa “sin taxes," partikular sa sigarilyo at alak. Sinabi ni Antique Rep. Exequiel Javier, pinuno ng komite, ipagpapatuloy nila ang pagdinig sa mga sin taxes sa susunod na linggo bilang tugon sa naging laman ng huling state-of-the-nation address (SONA) ni Arroyo. Sa ngayon ay iniipon pa umano ng komite ang mga datos na ibinibigay ng mga kumpanyang maapektuhan ng panibagong buwis sa alak at sigarilyo na naglalayong dagdagan ang pondo ng gobyerno. “We will again discuss the proposal by next week, after we will complete all the data needed," paliwanag ni Javier nitong Martes.

This time we have spending problem. This should be the time for reduction of taxes, not for the government to take more money from the pockets of taxpayers
– Antique Rep. Exequiel Javier
May mga ulat na matindi ang ginagawang pag-lobby sa Kongreso ng mga nasa industriya ng sigarilyo at alak upang harangin ang pagpasa ng panukalang batas na magdudulot ng pagtataas sa buwis ng dalawang produkto. Sa talumpati ni Arroyo sa kanyang SONA nitong Lunes, inihayag ng punong ehekutibo na dapat kunan ng karagdagang buwis ang mga produktong nagdudulot ng sakit sa tao. “Tax hazards to lungs and livers, do not tax minds. Ang kita mula sa buwis sa alak at sigarilyo ay dapat gamitin sa kalusugan at edukasyon. Pondohan ang Philhealth premiums ng pinakamahirap. Pondohan ang mas maraming classroom at computers," ayon kay Gng Arroyo. Batay umano sa mga paunang datos na nakuha ng komite, sinabi ni Javier na lumitaw na nabawasan ng walong porsiyento ang bentahan ng sigarilyo at limang posiyento naman sa alak. “This is the cause of financial crisis, people avoid spending because maybe of the financial crisis," paliwanag ng kongresista. Una rito, sinabi ng Department of Finance (DoF) na ang panibagong buwis sa mga sin products ay maaaring magdulot ng karagadagang P20 bilyong kita sa gobyerno bawat taon. Ngunit nangangamba si Javier na baka hindi makamit ng pamahalaan ang inasahang target collection sa sin taxes kung magpapatuloy ang pagbagsak sa bentahan ng dalawang produkto. “This time we have spending problem. This should be the time for reduction of taxes, not for the government to take more money from the pockets of taxpayers," ayon sa kongresista. - GMANews.TV