ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kondisyon ni Gng Aquino masusing binabantayan, ayon sa anak


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Inilahad ni Senador Benigno “Noynoy" Aquino na simula nitong Lunes ay masusing binabantayan ang kondisyon ng kanyang ina na si dating Pangulong Corazon Aquino na patuloy na nakikipaglaban sa sakit na colon cancer. “Our mother’s condition has been stable for several weeks now and has turned guarded yesterday (Monday) afternoon. We are continuously monitoring her blood pressure, which has been fluctuating. She is presently asleep, comfortable and not in pain," paglalahad ng senador sa isang pahayag nitong Martes. Sa panayam ng media, sinabi ni Noynoy na hindi maganda ang mga bagong resulta tungkol sa kalagayan ng kanyang ina. Maging ang blood pressure umano ng dating pangulo ay pabago-bago. “Kumbaga sumama," pagtatapat ng nag-iisang anak na lalaki nina Gng Aquino at pinaslang na dating Sen Benigno “Ninoy" Aquino Jr. Ayon sa senador, nais ng duktor na isalang muli ang kanyang ina sa chemotherapy noong nakaraang linggo ngunit tumanggi umano si Gng Aquino at sinabing, "latang-lata pa ako ngayon, not this time." Kaagad ding nilinaw ni Noynoy na hindi nangangahulugan na sumuko na sa laban sa stage 4 colon cancer ang kanyang ina nang tumanggi ito sa chemotherapy. Humingi rin ng paumahin at nagpasalamat ang nakababatang Aquino sa mga tagasuporta ng kanyang ina kung hindi nila maibigay ang detalye ng kalagayan nito ngayon. Sa ngayon ay nakatuon umano ang atensyon ng pamilya kay Gng Aquino at matiyak na hindi sila makagagawa ng hakbang na lalong makasasama sa kondisyon nito. Mahigit isang buwan ng nakaratay sa Makati Medical Center si Gng Aquino mula nang mawalan ito ng ganang kumain dahil sa ginagawang paggamot sa cancer na natuklasan noong Marso 2008.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Nasa kamay ng Diyos Sa Malacañang, sinabi ni Press Secretary Cerge Remonde na makabubuting ipaubaya sa Diyos ang kalagayan ng kalusugan ng dating pangulo. "Patuloy talaga tayong mananalangin para po kay dating pangulong Cory at syempre naman po, nananalangin din po tayo sa kanyang pamilya at sa lahat ng nagmamahal sa kanya. We will entrust her and her family to the Lord," ayon sa kalihim. Nitong Lunes, ipinaalam ni Noynoy na kumalat na sa iba pang organ ni Gng Aquino ang cancer cells. Balak din umano ng pamilya na iuwi na sa bahay ang dating pangulo ngunit hindi ito pinayagan ng mga duktor. "The doctor advised us, kung may emergencies, given the (traffic) situation in Metro Manila, anong response time? In the hospital, they have all the experts who are readily available so doon muna," paliwanag ni Noynoy. Nilagyan na rin umano ng oxygen ang 76-anyos na dating pangulo upang makatulong sa paghinga at catheter. "The pain medication is not compatible with the nutrition they were giving her previously, so they have to change it. Unfortunately they can introduce only less calories as replacement, otherwise the pain medication will not be effective," ayon sa senador. Sinabi ni Noynoy na labis na nagagalak ang kanyang ina sa mga panalangin sa kanyang paggaling at maging ang pagpapakalat ng dilaw na laso sa iba’t-ibang bahagi ng bansa. - GMANews.TV