ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

8 Pinoy na nasawi sa Afghanistan isasailalim sa DNA test


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA - Kailangang isailalim sa DNA testing ang walo sa 10 Filipino na nasawi sa pagbagsak ng helicopter sa Afghanistan noong Hulyo upang makilala sila, ayon Vice President Noli De Castro. Ang mga biktima ay nasawi noong Hulyo 19 nang biglang bumagsak ang sinasakyan nilang Mi-8 helicopter sa Kandahar Air Base na kontrolado ng NATO sa Afghanistan. Sa isang pahayag, kinilala ng Department of Foreign Affairs ang mga OFW na nasawi na pawang empleyado ng US-based construction firm na AIM Group, Inc. na sina: 1. Celso Q. Caralde (born in Gingoog City, Misamis Oriental) 2. Ely I. Cariño (Cabusao, Camarines Sur) 3. Ernesto C. De Vega (Naic, Cavite) 4. Manolito C. Hornilla (Taysan, Batangas) 5. Leopoldo G. Jimenez Jr. (Lubao, Pampanga) 6. Mark Joseph C. Mariano (Floridablanca, Pampanga) 7. Marvin P. Najera (San Fernando, Pampanga) 8. Rene D. Taboclaon (Cagayan de Oro City) 9. Recardo E. Vallejos (Bislig, Surigao del Sur) 10. Noli M. Visda (Lubao, Pampanga) Ngunit batay sa impormasyon na natanggap kay Kuwait Ambassador Ricardo Endaya, sinabi ni De Castro na dalawa lamang sa sunog na mga labi ang nakilala sa ngayon. Ang mga natukoy na mga labi ay sina Jimenez at Hornilla. Sinabi ni De Castro, kasalukuyang presidential adviser on overseas Filipino workers, na kaagad ipoproseso ang mga dokumento para maiuwi na sa bansa ang mga labi nina Jimenez at Hornilla. Samantala, sinabi ni Endaya na ang mga hindi makilalang labi ay ipadadala sa Maryland sa United States upang isalang sa DNA test bilang bahagi ng “standard operating procedure" sa mga sakunang may kaugnay sa kanilang militar. Ang Afghanistan ay kabilang sa limang bansa kung saan ipinapairal ng pamahalaan ng Pilipinas ang travel ban. Ang apat pang bansa ay ang Iraq, Lebanon, Jordan at Nigeria. Sa kabila ng umiiral na ban, marami pa ring Filipino ang pumupuslit upang magtrabaho sa mga bansa ito dahil sa alok na malaking sahod lalo na sa mga base militar ng US sa Iraq at Afghanistan. Una rito, iginiit ng AIM Group at mga opisyal sa Pilipinas na ilang taon ng nagtatrabaho sa NATO ang mga nasawing OFWs. - GMANews.TV