ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pinas 'di nagpapadala ng mga entertainer sa Turkey - POEA


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Walang iniaalok na trabaho sa mga Filipino para maging entertainer sa Turkey, ayon mismo sa opisyal ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA). "The POEA is not processing employment documents of overseas performing artists (OPAs) to Turkey," nakasaad sa pahayag na ipinabas ng ahensiya kamakailan. Idinagdag ng POEA na hindi pinapayagan ng pamahalaan ang pagpapadala ng mga entertainer sa Turkey dahil sa pangambang maging biktima sila ng human trafficking. Ayon kay Philippine Ambassador to Turkey Pedro Chan, nakatatanggap sila ng mga kahilingan mula sa mga recruiter na payagan ang pagpapadala ng mga Filipina entertainers sa nabanggit na bansa. "There are many decent-looking clubs here but you cannot avoid the impression that the women would be trafficked," pahayag ng embahador nang makapanayam ng GMANews.TV. Inihayag ng POEA na maging ang Department of Labor and Employment ay hindi interesado na magpadala ng mga entertainers sa Turkey dahil sa kawalan ng sapat na mekanismo na makapagbibigay ng proteksyon sa mga magtatrabaho doon. Hindi katulad sa mga bansa sa Middle East, sinabi ni Chan na walang malinaw na batas ang Turkey na magbibigay ng proteksyon sa lahat ng mga OFWs. Bukod pa rito, wala rin umanong labor attaché ang Pilipinas sa Turkey. Batay sa pahayag ni Labor Secretary Marianito Roque, sinabi ng POEA na papayagan lamang ang pagpapadala ng OPAs sa Turkey kung magkakaroon ng bilateral agreement dito ang Pilipinas. Ngunit sinabi ni Chan na hindi masyadong prayoridad sa ngayon ang naturang bilateral agreement sa dalawang bansa. Tinatayang may 4,000 hanggang 5,000 Pinoy na nagtatrabaho sa Turkey, partikular sa Istanbul. Marami umano ang nagtatrabaho bilang mga household service worker at nasa food service industry. - GMANews.TV
Tags: ofws, ofwstation