ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Hinatulan sa Chiong sisters rape-murder case ibibiyahe sa Spain


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Gamit ang diplomatikong kasunduan ng pamahalaan ng Pilipinas at Espanya, nagawang maipalipat ng kulungan ang isa sa mga akusado na nahatulang makulong ng habambuhay dahil sa karumal-dumal na pagpatay at paggahasa sa isang magkapatid sa Cebu noong 1997. Iniulat na inaprubahan na ang paglilipat kay Francisco Juan "Paco" Larrañaga mula sa kulungan ng Pilipinas patungong Espanya. Si Larrañaga ay humahawak ng dual citizen status ng nabanggit na mga bansa. Naghugas-kamay naman ang Malacañang sa kaso ni Larrañaga, habang nangako ang pamilya ng mga biktimang sina Jacqueline at Marijoy Chiong na kukuwestiyunin ang naturang paglilipat ng piitan ng akusado. Ayon kay Press Secretary Cerge Remonde, ipapaubaya ng Malacanang sa Department of Justice (DOJ) at kinauukulang korte na magpaliwanag sa paglilipat kay Larrañaga ng kulungan. "We only call on all concerned in the case to observe proper justice and follow the justice system," ayon kay Remonde sa panayam ng dzRB radio nitong Sabado. Si Larrañaga, 32-anyos, ay kasama ng anim na iba pang akusado na hinatulang ng korte sa Cebu na makulong ng habambuhay dahil sa pagpatay at paggahasa sa magkapatid na Chiong. Ang naturang desisyon kay Larrañaga ay labis na ikinagulat ng ina ng mga biktima. “Wala. Wala silang sulat, walang contact eh ... Nabigla kami bakit naaprubahan," pahayag ni Gng Thelma Chiong sa panayam ng dzRH radio. Dahil sa nangyari sa kaso ni Larrañaga, sinabi ni Gng Chiong na mistulang mabait ang kasalukuyang administrasyon sa mga kriminal. “Na-shock kami bakit ang DOJ ang pumirma. ‘Di ba ang gumawa ng treaty ang Senate? ‘Di ba presidente at Senate mag-approve niyan kung i-transfer talaga si Paco? I heard also ipasa ito sa Congress at ipagawa ng budget. Sinong gagastos para dito, ang mga Larrañaga at Osmeña," tanong ni Gng Chiong.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Kinuwestiyon din niya ang dual citizen status ni Larrañaga. At kahit pa Spanish citizen ang akusado, iginiit ni Gng Chiong na dapat sa Pilipinas bunuin nito ang kanyang hatol. “If you committed a crime in the Philippines you are in jail in the Philippines. ‘Di ba marami na tayong Hapon, Korean, American na napreso dito," idinagdag niya. Ayon naman kay Remonde, nauunawaan niya ang sintemyento ni Gng Chiong. “Natural ang kanyang sentimento ng isang ina ng biktima ... Again dapat ‘di maghihimasok ang Malacañang sa usaping ‘yan because ang usaping iyan sa hukuman na." Una rito, lumabas sa ulat na sinabi ni Justice Secretary Agnes Devanadera na aprubado na ang paglilipat kay Larrañaga sa piitan sa Espanya upang doon na bunuin ang sentensiya nito. Ang pag-apruba sa paglilipat kay Larrañaga ay alinsunod sa kasunduan ng RP-Spain Transfer of Sentenced Persons Agreement. Si Larrañaga ay mula sa prominenteng angkan ng mga Osmena sa Cebu. May natitira pa itong 14 na taon, siyam na buwan at 28 na araw na dapat bunuin sa kanyang sentensiya. Ang abogado ni Larrañaga naYorac Arroyo Chua Caedo and Coronel law firm ang napag-alamang nagsumite ng aplikasyon para mailipat siya sa Espanya. - GMANews.TV