ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bongbong kay Noynoy: 'Alamin mo ang prayoridad mo'


MANILA – Hindi nababahala si Ilocos Norte Rep. Ferdinand “Bongbong" Marcos Jr. sa ginawang pahayag ni Senador Benigno Aquino “Noynoy" Aquino III na itutuloy nito ang paghabol sa mga pinapaniwalaang nakatagong yaman ng kanilang pamilya. “Further down the campaign, (Aquino) will have other priorities. Those (ill-gotten wealth) are not the priorities right now. He has to decide for himself what his priorities are," pahayag ni Marcos. Kasama si Marcos sa mga dumalo sa ibinigay na pagkilala ng Cultural Center of the Philippines sa kanyang ina na si dating Unang Ginang Imelda Marcos nitong Biyernes ng gabi sa Pasay. Ginawa ni Aquino ang pangako na ipagpapatuloy ang paghabol sa umano’y mga nakaw na yaman ng mga Marcos noong Miyerkules nang pormal nitong ideklara ang kanyang pagtakbo bilang pangulo ng bansa sa May 2010 elections. Ayon sa nakababatang Marcos, hindi niya alam kung ano ang magiging kaibahan ng magiging plano ni Aquino sa paghabol sa sinasabing kayamanan ng kanyang pamilya kumpara sa nagdaang mga gobyerno. Nang tanungin ang kongresista kung totoo na mayroon silang itinatagong mga ari-arian, sagot ni Bongbong: “Obviously these people think so, but the courts don’t seem to agree with them." Naging mahigpit na magkalaban sa pulitika ang mga magulang nina Bongbong at Noynoy. Si Bongbong ay nag-iisang anak na lalaki nina Imelda at dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. Samantalang si Noynoy ay nag-iisang anak na lalaki nina dating Pangulong Cory Aquino at dating Senador Benigno “Ninoy" Aquino Jr. Ang mga Marcos ang pinaghihinalaan ng mga Aquino na nag-utos na paslangin si Ninoy nang bumalik ito sa bansa mula sa US noong Agosto 21, 1983. Itinanggi naman ito ng mga Marcos. Tatlong taon makalipas na paslangin si Ninoy, napatalsik sa puwesto si Marcos at naluklok naman sa kapangyarihan si Cory. Kasunod nito ay binuo ni Gng Aquino ang Presidential Commission on Good Governance (PCGG) upang habulin ang mga sinasabing nakaw na yaman ng mga Marcos. Sa pagdeklara ni Noynoy na tumakbong presidente sa 2010 elections, sinabi ni Bongbong na pinag-aaralan nito ang posibilidad na tumakbong senador sa darating na halalan. “The decision will depend on what will happen to the opposition and how they unite. The only way for the opposition to do badly this election is to be disunited," ayon sa nakababatang Marcos. – GMANews.TV