ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bayaning piloto sa edad 26


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kilala nyo ba kung sino ang kauna-unahang Pinoy fighter pilot na itinuring bayani matapos masawi sa pakikipaglaban sa mga dayuhan noong World War II sa murang edad na 26. Si Lieutenant Cesar Fernando Basa, ang unang Pinoy fighter pilot na nasawi nang salakayin ng puwersa ng Hapon ang Pilipinas noong 1941 habang nasa ilalim ng pamamahala ng Amerika ang bansa. Isinilang at lumaki si Basa sa Isabela, Negros Occidental. Nang lumipat ang kanyang mga magulang sa Maynila, nag-aral siya at nagtapos sa Ateneo de Manila sa kursong Bachelor of Science major in chemistry. Pagkaraan ay pumasok siya sa Philippine Army Flying School at nagtapos noong 1940. Dito nagsimula ang kanyang propesyon bilang piloto ng Air Force na may ranggong second lieutenant. Oktubre 1941 nang mabigyan ng unang assignment si Lt Basa sa ilalim ng pamamahala ni Capt. Jesus Villamor, ang executive officer ng Batangas Air Field. Nang maganap ang pagsalakay ng mga Hapon sa Pearl Harbor ng US noong Disyembre 1941 – na naging simula ng pandaigdigang digmaan – sumunod na sinalakay ng fighter pilot ng Japan ang mga air base ng US sa Pilipinas. Kabilang sa pinuntirya ng mga bomber at fighter plane ng Japan ang Batangas Airfield kung saan napalaban ang tropa ni Capt Villamor. At mula sa isang misyon, ninais ni Basa na makasama ang kanyang tropa para makipaglaban. Ngunit dahil sa kakaunti na lang ang natitirang gasolina sa eroplano ni Basa, bukod pa sa pitong eroplano ng Hapon ang kanyang nakasagupa, sinawing-palad ang batang piloto. Bilang pagkilala sa katapangan at pagmamahal sa kalayaan ng bansa, ipinangalan kay Basa ang himpilan ng mga sasakyang panghimpapawid sa Floridablanca, Pampanga – ang Basa Airbase. - Fidel Jimenez, GMANews.TV

Tags: pinoytrivia