ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lumilipat sa NP, LP: Lakas-Kampi patuloy na nalalagasan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Habang papalapit ang araw ng paghahain ng certificate of candidacy ngayong Nobyembre, patuloy na nalalagasan ang partido ng administrasyon para lumipat sa Liberal Party (LP) at Nacionalista Party. Nitong Miyerkules, tinatayang 600 lokal na lider mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao ang nanumpa sa NP na pinamumunuan ni Senador Manny Villar, magiging pambato ng partido sa panguluhang halalan. Sa ipinalabas na pahayag ng NP, kabilang sa mga bagong kasapi nito ay sina Davao del Sur Rep. Marc Douglas Cagas; Zamboanga City Rep. Erico Basilio Fabian; Batanes Vice-Gov. William Agsunod; at Banaue, Ifugao Mayor Lino Madchiw. Nagkaroon din ng simbolikong panunumpa sa NP si Maria Flor Querubin para sa kanyang asawa na nakakulong na si Col. Ariel Querubin. Kabilang si Col Querubin sa mga pambato ng NP sa pagkasenador sa May 2010 polls. Si Querubin, tumanggap ng pinakamataas na parangal na Medal of Valor, ay nahaharap sa kasong mutiny. Nakatakda umano nitong ihayag bago matapos ang buwan ang pag-alis sa militar para pasukin ang pulitika. “We welcome you to the Nacionalista Party as our formidable partners in our struggle against our people’s enemy which is poverty," pagbati ni Villar sa mga bagong miyembro ng NP. Sumama rin sa NP ang aktor at dating Rizal Vice-Governor na si Jestoni Alarcon, Cagayan Board Members Wycoco Abraham at Washington Taguinod, at mga lider sa Aklan at Leyte sina Board Member Ramon Gelito, Vice-Mayors Rizal Rodriguez at Dextero Obrique. Belmonte, Recom sa LP Sinabi naman ni Florencio "Butch" Abad, campaign manager ng LP, na nakatakdang manumpa sa Huwebes sa kanilang partido ang iba’t ibang lokal na lider na kinabibilangan nina Quezon City Mayor Feliciano "Sonny" Belmonte, at Caloocan City Mayor Enrico “Recom" Echiverri. Si Belmonte ay senior vice-president for external affairs ng Lakas-Kampi-CMD. Kasama umano ni Belmonte na lilipat sa LP ang anak nito na si Joy Belmonte at si Vice Mayor Herbert Baustista. "[He] will have his oath-taking tomorrow, along with other local government officials from the provinces of Palawan, Bataan and Bulacan," pahayag ni Abad sa panayam ng GMANews.TV. Makakasabay ng paglipat ni Belmonte sa LP ang gagawing national convention ng Lakas-Kampi-CMD sa Philippine International Convention Center (PICC) kung saan pormal na ihahayag ang tambalan nina Gilberto Teodoro Jr. at Edu Manzano para sa panguluhang halalan. Ipaparada naman ng LP sina Sens Benigno “Noynoy" Aquino III at Mar Roxas. Si Mayor Belmonte ay dating nagsilbi bilang pinuno ng Government Service and Insurance System (GSIS) sa administrasyon ni dating Pangulong Cory Aquino. Kamakailan ay tumalon din sa LP mula sa Lakas sina dating Sen Ralph Recto at asawa nitong Batangas governor Vilma Santos. Ilan naman sa mga lumipat sa NP mula sa Lakas-Kampi ay sina Governor Douglas Cagas; Camarines Sur Gov. LRay Villafuerte Jr., national chairman ng League of Provinces of the Philippines; Surigao del Norte Gov. Robert Ace Barbers; at Biliran Gov. Rogelio “Roger" Espina. - GMANews.TV