ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Feb 16, 2010: Huling araw ng aplikasyon ng WWII vets para sa US benefits
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA â May isang linggo pa para makapagsumite ng aplikasyon ang mga Pilipinong beterano ng World War II upang makatanggap ng mga benepisyong nakapaloob sa 2009 Filipino Veterans Equity Compensation ng American Recovery and Reinvestment Act (ARRA) of 2009 na inaprubahan ng US Congress. Sa isang pahayag na ipinalabas ng US Embassy nitong Martes, sinabing kailangang maipadala sa opisina ng U.S. Department of Veterans Affairs (USDVA) ang mga aplikasyon ng mga beterano bago sumapit ang Pebrero 16, 2010. Ang mga benepisyo na ipagkakaloob ng US sa mga Pinoy veterans ay isang beses lamang ibibigay. Batay ito sa ipinasang batas US Congress at nilagdaan ni US President Barack Obama noong Pebrero 2009. Ang naturang batas ay pagkilala ng US sa serbisyo at tulong na ibinigay ng mga Pinoy noong panahon ng digmaan. Sakaling pumanaw na ang nag-aplay na beterano, ang naulilang kabiyak nito ang tatanggap ng benepisyo. Kakailanganin pang gumawa ang Kongreso ng Amerika ng bagong batas upang maibigay ang mga naturang benepisyo sa iba pang naulila ng beterano. Ang bawat aplikasyon ay mabilis na ipoproseso upang matanggap agad ng mga kuwalipikadong beterano ang benepisyo, ayon sa pahayag. Simula nang ipamahagi ang naturang benepisyo hanggang noong Disyembre 29, 2009, sinabing mahigit na sa 11,300 kuwalipikadong beterano o ang kanilang naulilang asawa ang tumanggap ng benepisyo na umabot sa halos P6.4 bilyon. Halos kalahati ng P6.4 bilyon ay ibinigay sa mga Pinoy veterans na naging mamamayan na ng Amerika, at ang kalahati ay ibinigay naman sa beterano na hindi nanirahan sa US. Hinikayat din ng embahada ang mga beterano na hindi nakatitiyak kung sila ay kuwalipikado na maghain pa rin ng kanilang aplikasyon bago sumapit ang Pebrero 16. Hindi pa umano kakailanganin na isumite ang kumpletong dokumentasyon tungkol sa kanilang naging serbisyong militar. âAng kailangan lang munang isumite ay isang nilagdaang aplikasyon. Kung kakailanganin pa ang karagdagang dokumentasyon, ang USDVA na ang makikipag-ugnay sa ibang tanggapan para makuha ang kailangang dokumento, o kaya ay susulatan ng USDVA ang aplikante upang ipaalam sa kaniya kung ano pa ang mga karagdagang impormasyon o dokumentasyon na kailangan," ayon sa pahayag. Nilinaw din sa pahayag na walang âmaster list" na gagamitin sa pagkilala sa mga kwalipikadong beterano para sa pamamahagi ng naturang benepisyo. Ang mga aplikasyon ay dedesisyunan umano batay sa merito nito. Binigyan-diin ng embahada na libre at simple lang ang pag-aaplay kaya hindi na silang kailangang gumastos basta kompletuhin lamang ang application form. Ang aplikasyon ay maaring ipadala sa US Embassy o USDVA sa pamamagitan ng koreo o personal bago sumapit ang Pebrero 16, 2010. Maaring tawagan ang USDVA sa (632) 528-2500 para sa karagdagang detalye tungkol dito. Kung nasa labas ng Maynila ang beterano, maaari siyang tumawag ng walang bayad sa 1-800-1888-5252. Hindi rin umano kailangang kumuha ng âappointment" ang beterano upang magsumite lamang ng paunang aplikasyon para sa naturang benepisyo. Ang USDVA ay magpapadala ng mga empleyado upang tumanggap ng aplikasyon para sa "Filipino Veterans Equity Compensation" sa Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) sa Camp Aguinaldo simula 7:30 am hanggang 4:30 pm, simula sa Lunes, Pebrero 8, 2010 hanggang Pebrero 16, 2010. Samantala, ang tanggapan ng USDVA sa US Embassy ay ukas sa Lunes (Pebrero 15, 2010) simula 8:00 am hanggang 3:30 pm upang tumanggap ng aplikasyon. Ang ibang tanggapan naman sa US Embassy ay mananatiling nakasara sa araw na ito dahil sa paggunita ng America sa President's Day. Ang iba pang detalye tungkol sa pag-aplay sa naturang benepisyo ng mga beterano ay maaring makita sa website ng US Embassy. â GMANews.TV
Tags: veterans, filipinoveterans
More Videos
Most Popular