ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mangudadatu kinasuhan sa pagkamatay ng ‘hitman’


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nahaharap ngayon sa kasong pagpatay si Buluan vice mayor Esmael "Toto" Mangudadatu kaugnay sa pagkakapatay ng umano’y lalaking papaslang sana sa kanya sa loob ng isang mall sa Davao City nitong Huwebes. Sinampahan ng kasong murder nitong Biyernes si Mangudadatu, kandidatong gobernador sa darating May elections, ni Natividad Kamendan, asawa ni Tamano Kagi Kamendan (hindi “Tamano Camalindan" gaya ng unang naiulat). Si Tamano ay nabaril at napatay umano ng police security escort ni Mangudadatu sa loob ng mall nang tangkain nitong likidahin ang kandidatong gobernador. Bukod kay Mangudadatu, kinasuhan din ang mga escort nito na sina Police Officer 1 Ibrahem Langalen at PO1 Surab Bantas. Sinasabing nagsa-shopping si Mangudadatu sa Gaisano Mall sa Davao City kasama ang mga anak nito nang agawin umano ni Kamendan ang baril sa isa sa mga escort ng alkalde. Nag-agawan umano sa baril ang biktima at pulis hanggang sa mapatay ito. Kamag-anak umano at “hitman" ni Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr, si Tamano. Suspindido ngayon si Andal Sr dahil sa kinakaharap nitong kaso ng mga pagpatay kaugnay sa nangyaring Maguindanao massacre noong Nobyembre 2009, kung saan 57 tao- kabilang ang 30 mamamahayag – ang pinaslang. Pinatay ang asawa ko Ayon kay Natividad, kasama niya ang asawang si Tamano at hindi nito pinagtangkaan na patayin si Mangudadatu. Sa kanyang affidavit-complaint na inihain sa Davao City Prosecutor's Office, sinabi ni Natividad na namimili rin sila ng kanyang asawa sa mall nang makasalubong ang alkalde. Tinanong umano ni Mangudadatu si Tamano kung nasaan ang “amo" nito, ngunit sumagot umano ang biktima na hindi na siya nagpupunta doon. Matapos ang usapan, nagpaalam umano sila kay Mangudadatu, ngunit narinig ni Natividad ang alkalde na nagsalita ng: 'Tem bak nu den,' na ang ibig sabihin 'Shoot him.'" Namatay sa loob ng mall si Tamano habang dinala sa presinto si Natividad para sa isinasagawang imbestigasyon. Sinikap ng GMANews.TV na makuha ang panig ni Mangudadatu ngunit hindi nito sinasagot ang kanyang telepono. Sa ulat ng dzMM radio, sinabi umano ni Mangudadatu na inihahanda na ng kanyang abogado ang sagot sa alegasyon inihain sa kanya. Samantalang nasa kostudiya ng Davao PNP ang dalawang police escort ng alkalde. Kabilang ang asawa at dalawang kapatid na babae ni Mangudadatu sa mga napaslang sa tinaguriang “Maguindanao" massacre. - GMANews.TV