ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bibong botante: Giya sa pagpili ng kandidato sa Mayo


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Huwag magpadala sa matamis at mabulaklak nilang dila. May mga kandidatong iba ang ginagawa sa mga sinasabi nila. Kunwaring maka-kalikasan at nagmamalasakit sa problema ng pagbabago ng klima, pero tingnan mo ang magara niyang sasakyan, sumusuka ng gasolina na nagpapalala sa pag-init ng panahon. May mga pumupostura rin na palalakasin daw nila ang ekonomiya. Mga lumang pangako na iaahon tayo sa kahirapan. Ngunit kung tutuusin, wala naman naman silang malinaw na paliwanag kung papaano lulutasin ang mga problema na tulad ng dambuhalang budget deficit sa kaban ng bayan. Kaya naman payo ng mga eksperto mula sa University of the Philippines (UP) para sa tinatayang 50 milyong botante, kilatising mabuti ang mga kandidato. Alamin ang tunay nilang kulay mula sa likod ng kanilang mga anunsiyo at samu’t-saring pakulo na ipinagduduldulan sa publiko. Sa isinagawang forum sa UP kamakailan na tinawag na, “Beyond 2010: Leadership for the Next Generation," apat na propesor ng political science – sina Jose Abueva, Leonor Briones, Ebinezer Florano, at Edna Co mula sa UP National College of Public Administration and Governance – ang nagbigay ng giya sa mga botante kung papaano dapat piliin ng mga botante ang susunod nating lider sa darating na halalan sa Mayo. Mula sa inilahad na presentasyon ng mga propesor, inilatag ng GMANews.TV ang limang kategorya upang bigyan ang mga botante ng giya kung sino ang dapat nilang iboto alinsunod sa dikta ng kanilang puso, isipan, o sikmura. 1. Tunay na luntiang lider Hindi kailangang bumulaga sa media na nagtatanim siya ng halaman para patunayan lang na maka-kalikasan ang isang lider. May mga palatandaan para masipat kung tunay na luntian (green) ang kanyang puso.
May malasakit sa kalikasan ang gustong maging lider kung sa kanyang bahay ay ipinapatupad ang recycling at composting ng mga basura. Sa kanyang bahay, ang ilaw na gamit niya ay mga energy-saving compact fluorescents o LED (light-emitting diodes) na mas kakaunti ang carbon emission kaysa regular na ilaw. Dapat tandaan na maraming “greenwashers" sa pulitika. Sila iyong mga pulitiko na binibihisan ng kanilang mga image consultant ng berdeng dahon, ngunit ang loob naman ng katawan ay puro bulok na basura. Nagagawa nilang magsuot ng damit na may nakalagay na “Earth Day" at magtatalumpati tungkol sa pangangalaga sa kalikasan. Ngunit ang buga ng usok ng mamahalin nilang sasakyan ay kasing itim pala ng kanilang budhi. Hindi lang ‘yan. May mga pulitiko rin na lumalabag sa environmental laws. Sila iyong nagtatayo ng mga bahay bakasyunan sa mga maliliit na isla, mga lugar na dapat ang mga halaman at hayop lang ang nakatira. Pero dahil sa kanilang impluwensiya, gagawin nila ang kanilang gusto kahit magambala ang tahimik na buhay ng mga tunay na yaman ng kalikasan. Kung nais mong protektahan ang luntian mong boto, ito ang dapat mong alamin sa kandidato, batay sa payo ni Florano: (1) tuklasin ang kaalaman nila sa mga kasalukuyang usapin tungkol sa kalikasan at kapaligiran (2) ano ang personal nilang paninindigan sa mga usaping ito (3) ano ang kanilang tunay na pananaw tungkol sa kapaligiran (4) may nagawa na ba sila para sa pangangalaga sa mga likas-yaman, at (5) uri ng kanilang pamumuhay. Idinagdag ni Florano na makabubuti rin sa botante kung mahahalungkat niya ang tunay na inspirasyon ng kandidato sa pagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan sa pamamagitan ng pagtuklas kung isa nga ba siyang “green achiever" o isa lang siyang “green opportunist." 2. Batikan sa ekonomiya "Susugpuin ko ang kahirapan… Ekonomiyang matatag, ‘yan ang pangako ko… tiyak, susulong tayo." Marahil isa iyan sa pinakagasgas na linya ng mga pulitiko tuwing panahon ng eleksiyon. Para bang nangangako sila sa mga botante na dadalhin tayo sa buwan… pero nakalimutan naman nilang sabihin sa atin kung sino ang magbabayad ng gasolina papunta doon.
Ang lider na talagang may malalim na kaalaman sa tunay na kalagayan ng ekonomiya ay iyong magsasabi ng totoo na walang madaling lunas sa said na kaban ng Pilipinas. Ang papalit sa administrasyong ito ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay magmamana ng P272 bilyong budget deficit, P4.42 trilyong utang at P74.38 bilyong kapos na koleksiyon sa buwis. Ang mga nanliligaw sa ating mga boto ay mag-aastang tagapagligtas na maglalambitin sa baging at mag-a-ala-Tarzan na aabutin ang ating braso para matanggal sa kumunoy ng kahirapan. Sila iyong nakikita natin sa telebisyon, nasa pahina ng mga diyaryo o napapakinggan sa radyo na abala sa pamumudmod ng pagkain sa mga kababayang sinalanta ng kalamidad gaya nina “Ondoy" at “Pepeng." Kung naghahanap ng matinong lider na tutugon sa problema ng ekonomiya, ito ang payo ni Briones na kailangang hanapin sa isang kandidato: (1) may malinaw at praktikal na solusyon upang tugunan ang mga problema tungkol sa usaping pananalapi ng pamahalaan tulad ng buwis, koleksiyon, at mga utang; at (2) may pangmatagalang programa para sa paghahatid ng pangunahing serbisyo sa lipunan gaya ng edukasyon, pagkain, kalusugan at pabahay. 3. Hindi tiwali, hindi magnanakaw Walang pulitikong manliligaw ng boto na sa panahon ng kampanya ay magsasabing, “kapag ako ang ibinoto nyo, magnanakaw ako sa kaban ng bayan!" Natural na magpapakilala silang matino, mga nagsikap sa buhay kaya umasenso. Ngunit kung susuriin ang kanilang statements of assets and liabilities, may mga pulitiko na lilitaw na yumaman nang todo-todo mula nang sila’y maluklok sa kapangyarihan.
Dapat alamin kung ano ang mga usapin ng mga kandidato na kanilang iniiwasan. Nakinabang ba sila sa mga proyekto na kanilang ipinagawa, o kung maayos ba nilang naipaliwanag kung bakit sila nasangkot sa mga kontrobersiya? Ang malinis na lider ay kayang harapin ang lahat ng alegasyon na ibabato sa kanya ng kanyang mga kalaban. Ang lider na hindi nagpapadala sa tukso ay hindi malalasing sa sandamukal na suhol, o sa kasikatan, at maging sa kapangyarihan. Kaya nilang lampasan ang mga pagsubok nang hindi bumibitaw sa kanilang moralidad, at kayang magdesisyon kung ano ang makabubuti sa higit na nakararami. Kung tinatawag na incorruptible leader ang hanap mo, sabi ni Abueva, hanapin ang mga katangiang ito sa kandidato: (1) prangka at tapat sa kanyang mga nasasakupan (2) kayang magsilbing inspirasyon at hamunin ang mamamayan at iba pang lider para abutin ang mas mataas na antas ng moralidad, personal na hangarin, at kaunlaran ng bansa, at (3) maging inspirasyon tungo sa mas mabuting pag-uugali at asal ng mga tao. 4. May prinsipyo, patas sa lahat Bukod sa mga hayop at halaman, sinasabing kabilang sa mga nilalang sa mundo na nanganganib na mawala ay ang mga pulitikong may delicadeza. Kung tapat at matuwid ang lider, asahan na hindi ito gagawa ng mga maruming hakbang para makamit ang kanyang hangarin. At kung sakaling makagawa siya ng kalokohan sa panahon ng kanyang panunungkulan, asahan ang kanyang pagbibitiw dahil alam niya kung ano ang tamang gagawin.
Noong 2007, nagbitiw sa kanyang puwesto ang Senate president ng Brazil na si Renan Calheiros nang lumabas sa isang babasahin na ginamit niya ang pondo ng isang nangangampanya ng suporta mula sa Senado para bayaran ang child support sa isang television journalist na naanakan niya. Nagbitiw din sa kanyang puwesto si New York governor Eliot Spitzer noong 2008 nang masangkot sa iskandalo na may kinalaman sa prostitusyon. Maging si Yoshitada Konoike, ang deputy chief cabinet secretary sa Japan, ay nagbitiw sa kanyang puwesto noong 2009 nang mabisto na ginamit niya ang kanyang official rail travel pass para madala sa isang resort ang kanyang kulasisi. Ang mga iskandalong kinasangkutan ng mga nabanggit na opisyal ay hindi na bago sa atin sa Pilipinas. Mga pulitikong may kabit at alegasyon ng katiwalian at paglulustay sa kaban ng bayan - may nagbitiw ba? Ngunit hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa, dahil patuloy na may nagaganap na pagbabago sa mundo. Malay natin, magsimula ang pagbabago sa sistema -- sa pamamagitan ng inyong boto. Ayon kay Co, para makahanap ng isang matinong lider ay kailangang tingnan kung taglay ng kandidato ang mga katangiang ito: (1) nagpapakita ng good moral character; (2) napapaligiran ng mga taong may integridad at nagsusulong ng reporma; (3) nagsusulong ng kagalingan (4) kayang magparusa sa mga nagkasala maging sino man ito; at (5) hindi nagtatago kung papaano niya gamitin ang pondo ng bayan. 5. Kayang magbahagi ng kapangyarihan
Masasabing hindi insecure ang lider na hindi sinosolo ang kapangyarihan o minamanipula ang kalalabasan ng isang sitwasyon (lalo na ang resulta ng eleksiyon). Ang lider na kayang magsulong ng tinatawag na people empowerment ay direktang kabaligtaran ng diktador na matigas ang ulo, gustong siya ang masunod sa lahat ng desisyon, at makuha ang lahat ng gusto kahit pa baluktutin ang batas. Ang lider na nagbabahagi ng kapangyarihan ay marunong magpahalaga sa kontribusyon ng iba, at naniniwala sa positibong pagbabago ng lipunan. At dahil hindi makasarili, handa niyang ibigay ang papuri sa kanyang mga tauhan kaysa angkinin sa sarili para laging magmukhang bida. Habang nasa Malacañang, sinabi ni Co na dapat gawin ng isang lider ay: (1) isama ang mga stakeholder o maapektuhang tao sa paggawa ng desisyon; (2) paunlarin ang tinatawag na social justice; at (3) konsultahin maging ang kanyang mga kritiko, mga kaalyado, at mga nasasakupan. – mga guhit gawa ni Analyn Perez/YA, GMANews.TV Click here to read The Smart Voter: A guide to choosing candidates in the May elections
Tags: 2010, elections