Talumpati ni Arroyo pinahinto ng lindol
Isang lindol na tinatayang may lakas na magnitude 6.1 ang nagpatigil kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa pagbigkas ng kanyang talumpati sa Cagayan nitong Martes ng umaga. Habang nagtatalumpati tungkol sa mga proyekto ng pamahalaan sa agrikultura, napatigil bigla si Gng Arroyo habang tila pinapakiramdaman ang paggalaw sa ilalim ng lupa na kanyang kinatatayuan, ayon sa ulat ng dzMM radio. Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nasa magnitude-6.1 ang naganap na pagyanig ng lupa na naganap dakong 10:51 a.m. Ang sentro ng lindol ay namataan sa 130 kilometro sa hilagang bahagi ng Tuguegarao, Cagayan. Ito na ang ikatlong pagyanig na sinasabing âtectonic origin" na naramdaman sa Pilipinas mula nang maganap ang malakas na lindol sa Chile noong Sabado na nasa magnitude-8.8. Noong Linggo, isang magnitude-5.1 quake ang nagpayanig sa lalawigan ng Batanes, at magnitude-5.0 na lindol naman ang naramdaman sa Davao Oriental. Ang lindol nitong Martes ay naramdaman sa Sta. Ana at Aparri sa Cagayan sa lakas na Intensity V; Intensity IV sa Vigan, Ilocos Sur; Intensity III sa Laoag at Pasuqin, Ilocos Norte, at Palanan sa Isabela, at sa Tuguegarao City; Intenisty II sa Albano, Isabela; at Intensity I sa Manila Ocean Park sa Manila.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Tiniyak naman ni Phivolcs director Renato Solidum na walang idudulot na panganib sa kaligtasan ng publiko ang naganap na pagyanig. "Hindi po masyadong malakas ito. Dapat siguro mga [magnitude] 7, maliit na tsunami pa nga iyon," paliwanag ni Solidum sa panayam ng dzBB radio. Inihayag naman ni Cagayan Gov. Alvaro Antonio na walang pinsala na idinulot ang lindol sa lalawigan. Hindi rin umano nag-panic ang publiko sa naganap na lindol. "Wala namang epekto ang lindol na nangyari... Mild lang iyon. It took only about 15 seconds na medyo naramdaman ang lindol iyon," sambit ni Antonio sa hiwalay na panayam ng dzBB radio. "Nasa programa ako kanina, punung-puno ang stadium na pinangyarihan ng programa. The full-packed stadium, nobody panicked," idinagdag niya. - GMANews.TV