ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Karibal si Noynoy: Suporta ng mga kapanalig ni FPJ kay Erap baka mawala


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Nanganganib na mawala kay dating pangulong Joseph Estrada ang suporta ng mga kapanalig ng namayapa niyang matalik na kaibigang si Fernando Poe Jr. dahil sa kalaban niya sa panguluhang halalan na si Sen Benigno "Noynoy" Aquino III. Sa isinagawang mock elections ng Filipinos for Peace, Justice and Progress Movement (FPJPM) nitong Lunes, naungusan umano ni Aquino si Estrada ng dalawang puntos, ayon kay Lorenzo "Boots" Cadsawan, lider ng grupo. Sa press conference sa Quezon City, sinabi ni Cadsawan na 21 regional at provincial officials ng FPJPM ang pumanig kay Aquino, habang 19 naman ang para kay Estrada. May kabuuan umanong 500,000 card bearing members ang FPJPM na nagsulong ng kandidatura ni Poe noong 2004 presidential elections. Sinabi ni Cadsawan na magpupulong ang mga opisyal ng grupo sa Visayas at Mindanao para makabuo ng pinal na desisyon kung sino ang kanilang susuportahan sa 2010 elections. Inaasahan na makakapagpalabas ng desisyon ang PFJPM pagkatapos ng Holy Week. Para sana kay Chiz Si Sen Francis “Chiz" Escudero ang orihinal na “manok" ng FPJPM ngunit umatras ito sa laban matapos kumalas sa partido na Nationalist Peoples Coalition (NPC) noong nakaraang taon. Si Escudero ang nagsilbing campaign spokesman ni Poe noong 2004 elections nang matalo kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Inimbitahan din umano ng grupo si Escudero sa pagtitipon nitong Martes ngunit hindi nakarating ang senador. Bagaman nagdadalawang-isip pa ang FPJPM kung sino ang susuportahan sa panguluhang halalan, nakapagpasya naman silang iendorso ang kandidatura ni vice presidential candidate Makati Mayor Jejomar Binay, katambal ni Estrada. Naging karibal sa piliin ng bise presidente ni Binay si Senador Loren Legarda, dating running mate ni Poe noong 2004 elections. Ngayon tumatakbo uli si Legarda bilang pangalawang pangulo ni Nacionalista Party standard bearer Sen Manuel Villar Jr. "Si Sen. Legarda at Mayor Binay parehong nakasama ni FPJ, parehong hindi iniwan si FPJ pero sa pamimili merong tinatawag na good, better and best. Dun nalagay si Mayor Binay sa best kaya siya ang napili namin," paliwanag ni Cadsawan. "Umaasa kami na yung nagawa niya sa Makati kahit kalahati magawa niya sa Pilipinas ay masaya na tayo," idinagdag niya. Ikinalugod naman ni Binay ang suporta ng mga kaalyado ng namayapang hari ng pelikulang Pilipino. "Kumbaga sa competition, merong nananalo at may natatalo, merong good, better, best. I suppose better si Loren Legarda, best ako," ayon sa alkalde. Alam ng mag-ina ni FPJ? Nang tanungin kung may basbas nina Susan Roces, asawa ni Poe, at anak nilang si Mary Grace, ang desisyon ng FPJPM, sinabi ni Cadsawan na lagi nilang kinukonsulta ang mag-ina. "Bago kami magdesisyon nakikipag-usap kami sa kanya (Mary Grace). More or less sa tingin ko hindi sila mag-eendorso ng kahit na sinong kandidato pero nirerespeto nila ang desisyon ng FPJPM," ayon kay Cadsawan. Ngunit iginiit ni Binay na suportado siya ng mag-ina ni FPJ. "Pwede ko sabihin sa inyo [na] si Swanie (Roces’ nickname) at si Grace ay for Binay po." Ipinagmalaki ni Binay, naging campaign manager ni Poe, na kasama niya sa larawan ng kanyang poster si Poe noong 2004 campaign. May pahintulot umano ni Grace na gamitin niya ang larawan. Hanggang ngayon ay sinisikap ng GMANews.TV na makuha ang reaksiyon nina Ms Susan Roces at Mary Grace tungkol sa pag-endorso ng FPJPM. – GMANews.TV