ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kabilang ang 1 babae: 23 Pinoy nagpapako sa krus sa Pampanga


SAN FERNANDO, Pampanga — Sa kabila ng pagtutol ng Simbahang Katoliko sa tradisyong ito tuwing Semana Santa, aabot pa rin sa 23 debotong Pinoy ang ipinako sa krus nitong Biyernes Santo sa tatlong barangay sa bayang ito. Mahigpit na ipinagbawal na payagan ang mga dayuhan na makasali sa tradisyon ng pagpapapako sa krus dahil na rin sa mga idinulot nilang kontrobersiya nitong mga nagdaang taon, ayon kay Ching Pangilinan, tourism officer ng San Fernando. "We don't want them to just make a mockery out of the tradition of the people here," paliwanag ni Pangilinan. Tinatayang 10,000 turista – lokal at dayuhan – ang sumaksi sa taunang tradisyon, idinagdag ni Pangilinan. Kabilang sa pinagdausan ng Senakulo ay ang San Pedro Cutud, kung saan pumarada ang mga kalalakihan sa maalikabok na kalsada habang may pasang krus at koronang tinik sa ulo para alalahanin ang pinagdaanang hirap ni Kristo. Naging pangwakas na tagpo ang pagpapako nila sa krus sa kamay at paa. Kabilang sa mga debotong ipinako sa krus ay ang 49-anyos na si Ruben Enaje, isang sign painter. Ito na umano ang ika-24 na ulit niyang pagpapako bilang pasasalamat sa Diyos sa pagkakaligtas niya nang mahulog sa isang gusali. Nag-iisang babae naman na nagpapako sa krus si Mary Jane Mamangon, 34-anyos, tindera. Ito na umano ang ika-14 na pagpapako niya sa Brgy San Juan. Unang pagkakataon na nagpapako umano siya sa krus noong 18-anyos pa lamang para humingi ng tulong sa Diyos na pagalingin ang karamdaman ng kanyang lola noon at kapatid na babae niya ngayon na may sakit na kanser. Ginagawa umano ni Mamangon ang tradisyon dahil nakita niya kung papaano gumaling ang kanyang lola. Hindi umano siyang nawawalan ng pananampalataya na iingatan ng Panginoon ang kanyang pamilya. Bukod sa Pampanga, ginawa rin sa kalapit na lalawigan sa Bulacan ang tradisyon kung saan naging kontrobersiyal noong nakaraang taon ang pagpapako ng isang dayuhan. Mahigpit na tinututulan ng pamunuan ng Simbahang Katoliko ang pagpapako sa krus dahil hindi umano ito ang tamang paraan ng pag-alaala sa mga paghihirap ni Kristo. Iginiit ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines na ang Semana Santa ay panahon ng pagninilay upang iwaksi ang mga nagawang kasalanan at hindi na ito muling gawin. FRJ,GMANews.tv/AP