ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Andal Jr diniktahan para iendorso si Noynoy – LP


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Naniniwala ang Liberal Party (LP) na may nagdidikta sa pangunahing suspek sa Maguindanao massacre na si Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr., para iendorso at siraan ang kanilang pambato sa panguluhan na si Sen Benigno “Noynoy" Aquino III. Ayon kay dating Senate President Franklin Drilon, chairman ng LP, hindi natural na payagan ang isang nakapiit na katulad ni Ampatuan para magsagawa ng press conference sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City nitong Martes. Sa naturang pulong balitaan, nakasuot ng dilaw na damit si Ampatuan nang ihayag nito ang suporta sa tambalan nina Aquino at running mate nitong si Sen Mar Roxas ng LP. Nabuo umano ang desisyon na suportahan sina Aquino at Roxas matapos mag-usap ang kanilang pamilya sa pangunguna ng kanyang ama na si Andal Sr, dating gobernador, na suspek din sa karumal-dumal na pagpatay sa 57 sibilyan, kasama ang 30 mamamahayag sa Maguindanao noong Nobyembre 2009. "When you are under detention, you cannot talk to the press without the consent of your jailers," ayon kay Drilon, dating justice secretary, at tumatakbong senador sa tiket ng LP. "In this particular case, it is quite obvious that Ampatuan is being manipulated; may nag-uutos, may nago-orchestrate nito," idinagdag ni Drilon sa pulong balitaan sa Cagayan de Oro city nitong Miyerkules. Sa hiwalay na ulat, sinabing pinayagan ng mga bantay sa Camp Bagong Diwa si Ampatuan na magpatawag ng media upang magbigay ng pahayag sa kontrobersiyal na desisyon ni Justice secretary Alberto Agra na iabsuwelto sa masaker ang dalawang miyembro ng Ampatuan.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Nang kunan ng reaksiyon si Aquino sa inihayag ni Andal Jr, sinabi nito na itinuturing niyang malaking biro ang ibinigay na suporta ng mga Ampatuan sa kanyang kampanya. Iginiit niya na hindi niya hinihingi ang suporta ng mga Ampatuan na inaakusahan ding may kakayanan na manipulahin ang resulta ng halalan sa kanilang lalawigan. Nagtataka si Drilon kung bakit tila naging napakadali para sa mga Ampatuan na magpatawag ng press conference kumpara sa mga nakapiit na sundalo na nag-aklas sa gobyerno katulad nina (dating Navy officer) Sen Antonio Trillanes IV at (Ret) Brigadier General Danny Lim. Si Lim ay kandidatong senador LP at adopted candidate ng Puwersa ng Masang Pilipino ni dating pangulong Joseph Estrada. Hinala ni Noynoy Hinihinala ni Aquino na mga kalaban niya sa pulitika ang nasa likod ng pag-endorso sa kanya ng mga Ampatuan ngunit tumanggi siyang magbigay ng pangalan. "Titingnan n’yo kung sino may motivation at sino makikinabang dun," pahayag ni Aquino sa panayam ng media. "Kung ako talagang kino-court ko yung mga Ampatuan, napaka-naive ko naman na isipin na pag-inendorse ako makakatulong ho sa akin ‘yan," idinagdag niya. Bago si Aquino, si Nacionalista Party presidential bet Sen Manny Villar ang unang napili ni Andal Jr na suportahan sa 2010 elections dahil sa maganda raw nitong “commercial." Ngunit nagalit umano ang kanilang ama (si Andal Sr) sa naging pahayag ni Villar na papaimbestigahan niyang muli ang Maguindanao massacre case bilang reaksiyon sa naging desisyon ni Agra. Tulad ni Aquino, iginiit ni Villar na hindi niya hinahabol ang suporta ng mga Ampatuan. Inakusahan din ng NP na nagkaroon ng “break" sa pulitika si Andal Sr., nang hirangin itong OIC mayor sa isang bayan sa Maguindanao nang maupo sa Malacanang si dating Pangulong Cory Aquino noong 1986. Mariin naman itong pinabulaanan ni Aquino at iginiit na biktima rin siya ng dayaan sa Maguindanao noong 2007 mid-term elections. Sinabi ni Drilon na tinatanggihan ng buong partido ng LP ang anumang pag-endorso sa kanila ng mga Ampatuan. "I would rather lose votes than get votes from those who are suspected of having been responsible for the massacre in Maguindanao," ayon sa dating senador. - GMANews.TV