TRO sa Luisita hiniling alisin ng mga magsasaka sa SC
MANILA â Hiniling ng grupo ng mga magsasaka nitong Biyernes sa Supreme Court na alisin na ang temporary restraining order (TRO) na ipinataw noong 2006 sa 6,000-hektaryang lupain sa kontrobersiyal na Hacienda Luisita sa Tarlac. Dahil sa TRO, hindi maipamigay sa mga benepisaryo ang naturang lupain na pag-aari ng pamilya ni Liberal Party (LP) presidential aspirant Senator Benigno "Noynoy" Aquino III. Sa ipinadalang letter of appeal kay SC Chief Justice Reynato Puno, hiniling ng United Luisita Workers' Union (ULWU), Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA), Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), at Alyansa ng mga Magbubukid ng Gitang Luzon (AMGL), na bawiin na ang TRO na ipinatupad ng pinakamataas na korte noong Hunyo 2006 alinsunod sa inihaing petisyon ng pamilya Cojuangco. "We appeal to our justices' sense of truth, justice, and accountability and their preferential bias for the landless, the exploited, and the oppressed," nakasaad sa sulat ng mga magsasaka. Noong Disyembre 2005, nagpalabas ng desisyon si Agrarian Reform Secretary Nasser Pangandaman at Presidential Agrarian Reform Council (PARC) para ibasura ang kasunduan ng stock distribution option (SDO) ng Hacienda Luisita Inc. (HLI) at mga manggagawa nito. Ang naturang desisyon ang nagbigay daan para tuluyang masakop ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ang lupain at ipamahagi sa may 10,000 benepisaryong magsasaka at manggagawa sa hacienda. Ngunit hindi natuloy ang distribusyon ng lupain nang maghain ng petisyon ang pamilya Cojuangco sa SC na naging dahilan para magpalabas ng TRO ang korte. "The 10,000 farmworker-beneficiaries believe the high tribunal is politically, constitutionally, and morally obliged to correct a glaring fatal decision that justified the issuance of a TRO on stock distribution option," ayon sa mga magsasaka. "The effect of such judicial action further contributed to the long-running and intensifying campaign of injustice and landlessness in Hacienda Luisita," idinagdag nila. Hiniling din ng mga magsasaka na mabigyan ng katarungan ang mga kasamahan nilang nasawi habang nagsasagawa ng kilos protesta sa Luisita. Sa isang pahayag, sinabi naman ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano, pinuno ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, na nangangamba siya na walang makukuhang hustisya ang mga magsasaka sa Luisita kapag nanalo sa halalan si Aquino. "Another Aquino administration will provide the Cojuangcos all the political ammunition to deny farmers of their rights to the land," aniya. âFor sure, Aquino will once again use and abuse all state machineries, the military establishment including the judicial system to protect their interests over Hacienda Luisita." Napatunayan na umano na hindi mapagkakatiwalaan ang pangako ni Aquino na ipapamahagi ang lupain sa 2013 kapag siya ang nanalo dahil ganito rin umano ang sinasabi ng ina nitong si dating pangulong Cory Aquino. Iginiit naman ng LP na hindi dapat ibato lang kay Aquino ang problema sa Luisita dahil buong pamilya ang nagdedesisyon sa naturang usapin. - GMANews.TV