Hatak na banner ng pulitiko sumabit sa puno: Eroplano bumagsak!
Sugatan ang dalawang piloto nang bumagsak ang sinasakyan nilang eroplano matapos sumabit sa puno ng niyog ang hinahatak nilang banner na nakalagay ang pangalan ng isang pulitiko sa South Cotabato. Kinilala ni Police Senior Superintendent Nilo Wong, hepe ng pulisya sa lalawigan, ang sugatang piloto na sina Captain Mario Gorion at co-pilot nitong si Fritz Fajardo Lumitaw sa paunang imbestigasyon na pinapalipad nina Gorion at Fajardo ang two-seater Ag Cat biplane sa Koronadal City nitong umaga ng Miyerkules. Hinahatak umano ng eroplano ang aerial banner na may pangalan ni South Cotabato Rep. Arthur Pingoy. Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, sumabit umano ang banner sa puno ng niyog na naging dahilan ng pagbagsak ng eroplano. Kaagad na dinala ang dalawang piloto sa Pingoy Hospital, ayon kay Wong. Magsasagawa naman ng hiwalay na imbestigasyon ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) tungkol sa nangyaring insidente. Pinuna ng CAAP na hindi kaagad ipinaalaman sa kanila ang naganap na insidente. Sa ilalim ng patakaran ng CAAP, dapat umanong ipaalam sa kanilang ahensiya ang mga sakunang kinasangkutan ng mga eroplano sa loob ng dalawang oras. Sa kaso ng bumagsak na eroplano, hapon na umano nila nalaman ang sakuna gayung nangyari ito Miyerkules ng umaga. â GMANews.TV