ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Sa kaso ni Yasmien Kurdi: Baron Geisler ipinapaaresto ng korte


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nag-alok ng pabuya ang kampo ng aktres na si Yasmien Kurdi para madakip ang aktor na si Baron Geisler na nahaharap sa kasong acts of lasciviousness at unjust vexation. Inihayag nitong Biyernes ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Kurdi, na nitong Hunyo 2 lang nila nalaman na nagpalabas ng arrest warrant laban kay Giesler si Judge Lauro Bernardo ng Bocaue Municipal Trial Court. Ang arrest warrant ay ipinalabas umano ni Judge Bernardo dahil sa patuloy na hindi pagdalo ng aktor sa pagdinig ng kasong inihain ni Kurdi na acts of lasciviousness at unjust vexation noong nakaraang taon. “We cannot let Mr. Geisler escape trial and possible punishment by the simple expedient of making himself disappear in order to evade court hearings," ayon kay Topacio. Hindi binanggit ni Topacio kung magkano ang pabuyang ibibigay sa makahuhuli kay Giesler ngunit magiging “meaningful and substantial" umano ito. "Hindi naman naming titipirin ang makakatulong sa amin," ayon sa abogado. Pag-uusapan umano nila ni Kurdi ang halaga ng pabuya kapag bumalik na sa bansa ang aktres. Nakasaad sa court records na walang tumanggap sa dalawang subpoena na ipinadala ng korte para kay Geisler. Ang mga subpoena ay ipinadala umano sa Star Magic ABS-CBN Talent Center sa Quezon City, ngunit sinasabing hindi na umano konektado doon ang aktor. “In view thereof, let a bench warrant of arrest be issued against accused Baron Geisler and bail is hereby fixed in the amount of P12,000 each for Criminal Cases No. 10-024 and 10-025 (Acts of Lasciviousness); and, P2,000 for Criminal Case No. 10-026 (Unjust Vexation)," nakasaad sa kautusan ng korte. Sinikap ng GMANews.TV na makuha ang panig ni Geisler sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Atty. Bonifacio Alentajan. Ngunit nang tawagan ito sa kanyang opisina, sinabing wala ito at sa Sabado pa maaaring makausap. Una rito, inakusahan ni Kurdi si Geisler na nagpakita ng “lewd gestures" at “indecent proposals" habang nagta-taping sila television series na Suspetsa noong May 2009 sa Bocaue. Bukod sa kaso ni Kurdi, nahaharap din si Geisler sa reklamong sexual harassment na isinampa naman ng anak nina William Martinez at Yayo Aguila na si Patrizah Maree. Nitong nakaraang buwan ay naging laman din ng balita si Geisler tungkol sa umano’y panghihipo nito sa Eat Bulaga host na si Julia Clarete. - GMANews.TV