Nakaratay na Pinay OFW sa isang ospital sa Taif hiling na makita ang anak
JEDDAH, Saudi Arabia â Nanawagan kay Pangulong Benigno âNoynoy" Aquino III ang asawa ng isang Pinay overseas Filipino workers (OFW) na tatlong buwan ng nakaratay sa isang pagamutan sa bayan ng Taif na tulungan sila makita ang kanila anak na nasa Pilipinas. Ayon kay Antonio Arque, malubha na ang kalagayan ng kanyang asawa na si Leonora, 55-anyos, na nakaratay sa Surgical ICU ng Al-Hada Military Hospital, kaya hindi na ito pinayagang bumiyahe pabalik ng Pilipinas. Minsan na raw umano nilang binalak na iuwi na lamang ng Pilipinas si Leonora upang sa sariling bayan na lamang magpagamot at makapiling ang kanilang pamilya. Dahil sa karamdaman, hindi na makapagsalita si Leonora at idinadaan na lamang sa pagsulat ang mga nais nitong sabihin. Lagi umano binabanggit ng ginang na wala na siyang ibang hangad kundi ang makita ang kanilang anak. âSana matulungan kami ng ating gobyerno na magawan ng paraan na magkita ang mag- ina ko," pakiusap ni Antonio na patuloy na umaasang gagaling ang asawa sa kabila ng maselang kalagayan nito sanhi ng mga komplikasyon at impeksiyon sa baga at sakit sa puso. Sa panayam ng GMANews.TV, sinabi ni Philippine Consul Leo Tito Ausan na may mga proseso na kailangang gawin kaugnay ng sitwasyon at kahilingan ni Leonora. Dapat umanong humingi ng request ang pamilya ni Arque sa Office of the Undersecretary for Migrant Workers sa Maynila upang maasikaso ang mga kailangang dokumentasyon para matulungan ang mag-asawa. Ipinaabot naman ni Antonio ang kanyang pasasalamat sa buong pamunuan ng Al-Hada Military Hospital sa ibinibigay na tulong kay Leonora, pati na rin sa mga nurse at medical workers na hindi umano nagsasawa sa ibinibigay na suporta sa kanyang asawa. Gayundin ang tulong na ipinagkakaloob ng mga Filipino community at mga kumpanya sa Taif, sa Philippine Consulate, at kay OWWA Welfare Officer Romualdo Exmundo na dalawang beses umakyat ng Taif para bisitahin at alamin ang kondisyon ni Leonora. âMalaking pasasalamat po ang aming nais ipaabot sa lahat po ng mga tumutulong sa amin lalo na sa ating komunidad," ayon kay Antonio. â Ronaldo Z. Concha, GMANews.TV