ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pinirmahan ni Gloria: Pagtaas sa sahod ng pangulo, pakikinabangan ni Aquino


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – May isang bagay ang dapat ipagpasalamat si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo – ang mas mataas na suweldong tatanggapin niya bilang lider ng bansa. Bago matapos ang termino ni Arroyo bilang pangulo noong Hulyo 30, pinirmahan niya ang Executive Order No. 900 na nagpapatupad ng karagdagang sahod lahat ng kawani ng gobyerno – pati na ang pangulo. Kaya mula sa dating P57,750 na buwanang sahod ni Arroyo, ang suweldo ni Aquino ay tataas sa P95,000 o mas mataas ng 65 porsiyento sa dating suwedo ng presidente. Ang sahod ng pangulo ay nasa antas ng Salary Grade 33 (SG 33), alinsunod sa itinatakda ng Compensation and Position Classification Act of 1989 (Republic Act 6758). Subalit sa kabila ng salary increase, ang sahod ng pangulo ng bansa ay lubhang maliit pa rin kumpara sa tinatanggap ng mga top-level executive sa mga pribadong kompanya. Ayon sa Finance Office of the Office of the President, tulad ng sahod ng mga karaniwang kawani ng gobyerno, ang sahod ng pangulo ay kinukunan rin ng withholding tax, Philhealth, Pagibig, at GSIS life and retirement insurance premiums.
Ang EO 900 ang huling bahagi ng ipinatupad na compensation adjustment package na nilagdaan ni Arroyo, kongresista na ngayon ng ikalawang distrito ng Pampanga. Kasamang nakasaad sa naturang kautusan na ang pagtaas sa sahod ng pangulo ay ipatutupad lamang sa susunod na lider ng bansa, at hindi pakikinabangan ng nakaupong presidente nang panahong iyon na si Arroyo. Sa 1987 Constitution, nakasaad na ang sahod ng pangulo na, “no increase in said compensation shall take effect until after the expiration of the term of the incumbent during which such increase was approved." Unang nilagdaan ni Arroyo ang kautusan para sa salary increase limang buwan matapos maluklok siya sa puwesto sa pamamagitan ng EDSA II revolt noong June 2001. Sa naturang Executive Order No. 22, naitaas ng limang porsiyento ang sahod ng pangulo sa P57,750 bawat buwan, na naging sahod ni Arroyo nang manalo siya noong 2004 presidential elections. Sumunod nito ay ang paglagda niya noong March 2007 sa Executive Order No. 611 para itaas muli ang basic monthly salaries ng mga kawani ng pamahalaan ng 10 porsiyente, at nagtulak naman para tumaas ang sahod ng pangulo sa P63,525/month. Nasundan pa ito ng 10 porsiyentong pagtaas sa sumunod na taon sa ilalim ng Executive Order No. 719 para maging P69,878/month ang katumbas na sahod ng SG 33. Noong 2009, inaprubahan ng Kongreso ang Salary Standardization Law III (SSL III) na nagbibigay kapangyarihan sa pangulo na magpatupad uli ng salary adjustment sa sahod ng mga kawani ng gobyerno sa apat na taon. Ang unang bahagi ay ipinatupad noong Hulyo 2009 sa pamamagitan ng Executive Order No. 811, kung saan ang SG 33 ay may katumbas na sahod na P82,400/month. Sumunod ang EO 900 na nagpataas sa sahod ngayon ni Aquino sa P95,000/month. At tataas pa ito hanggang P120,000 kapag naipatupad na ang third at fourth tranches ng salary adjustments pero sa ilalim na ng termino ni Aquino. – GMANews.TV