ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Resolusyon ni Devanadera sa Ruby Rose murder case, binaliktad ni De Lima


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Binaliktad ni Department of Justice Secretary Leila de Lima ang naunang desisyon ng dating pinuno ng kagawaran na huwag isama sa listahan ng mga akusado si Lope Jimenez kaugnay sa pagpatay kay Ruby Rose Barrameda-Jimenez. Inihayag ni De Lima nitong Huwebes na binaliktad niya ang naunang desisyon ni dating DOJ Sec Agnes Devanadera. Dahil dito, kasama na muli sa listahan ng mga akusado ang Navotas City shipping at fishing magnate na si Lope, uncle-in-law ng biktimang si Ruby Rose. "In this resolution, I granted the partial motion for reconsideration of spouses Robert and Asuncion Barrameda [na isama si Lope sa listahan ng mga suspek]," patungkol ni De Lima sa mosyon ng mga magulang ng biktima. Samantala, kinatigan naman ni De Lima ang naunang desisyon ni Devanadera na sampahan ng kasong murder ang asawa ni Ruby Rose na si Manuel Jimenez III. Ang kasong pagpatay sa magtiyuhin na Manuel III at Lope ay nakabinbin ngayon sa Malabon City Regional Trial Court Branch 70. Sinisikap ng GMANews.TV na makuha ang panig ng mga Jimenez tungkol sa naging pasya ni De Lima. Nauna nang kinastigo ng kampo ng mga Jimenez ang pakikipag-usap ni De Lima sa mga Barrameda noong nakaraang buwan. Si Ruby Rose, kapatid ng aktres na si Rochelle Barrameda, ay ilang buwan na nawala hanggang sa makita ang kanyang mga labi sa loob ng sinementong drum sa karagatang sakop ng Navotas. Nakuha ang mga labi ni Ruby Rose sa tulong ng suspek, at ngayon ay state witness na si Manuel Montero. Ayon kay Montero, binayaran sila ng tig-P50,000 para patayin si Ruby Rose noong March 2007. Ang utos ay nanggaling umano sa biyenan ni Ruby Rose na si Manuel Jimenez Jr., at kapatid nitong si Lope. Nauna ng itinanggi ng mga Jimenez na may kinalaman sila sa pagpatay sa biktima. — GMANews.TV