ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagsibak sa Pinoy DH sa HK dahil sa Manila hostage tragedy kinumpirma ng DOLE


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Kinumpirma ng opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE) na isang Pinoy domestic helper sa Hong Kong ang sinisante ng amo nito dahil sa madugong hostage taking sa Maynila kung saan walong turistang Hong Kong Chinese ang nasawi. Ngunit nilinaw ni DOLE Secretary Rosalinda Baldoz na ang insidente ng pagsibak sa Pinoy DH ay isolated case lamang at wala na silang ibang katulad na kaso na natatanggap. “Bagama’t terminated siya, inayos ang benepisyo na kailangan ibigay sa kanya, nang ma-deport siya sa ating consulate sinabi niya walang problema sa kanyang employer naintindihan niya. Maayos ang pag-terminate sa kanya," pahayag ni Baldoz sa panayam ng dzRB radio nitong Sabado. Sa kabila nito, hindi na tinukoy ni Baldoz ang katauhan ng sinisanteng overseas Filipino worker. Idinagdag ng opisyal na wala rin silang natatanggap na impormasyon sa pagkansela ng job order mula sa Hong Kong. Nakikipag-ugnayan umano ang DOLE sa mga recruitment agencies at Pinoy community sa Hong Kong sa pagmonitor sa kalagayan ng mga manggagawang Pinoy sa naturang teritoryo ng China. “Sa ngayon walang kaliwa’t kanan na tanggalan, walang report na ganyan," pagtiyak ni Baldoz. Pinayuhan ni Baldoz ang mga Filipino na nagtatrabaho sa Hong Kong na manatiling kalmado at unawain ang sitwasyon doon. “Maganda yung ganoon na medyo tahimik tayo muna at hayaan mailabas talaga nila ang damdamin nila kasi dapat, una sa lahat, tayo nakakaunawa. Dapat di sabayan o i-counter ang kanilang damdamin," payo ni Baldoz. — GMANews.TV