ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Isa pang Pinoy sinibak sa trabaho sa HK dahil sa Manila hostage tragedy


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Isa pang overseas Filipino worker (OFW) ang pinaalis sa kanyang pinagtatrabahuhan sa Hong Kong bunga pa rin ng madugong wakas ng hostake taking sa Manila kung saan siyam na tao ang nasawi kabilang ang walong turista na galing sa nabanggit na teritoryo ng China. Ayon kay Secretary Rosalinda Baldoz ng Department of Labor and Employment (DOLE), pinaalis ang Pinay na nagtatrabaho bilang domestic helper dahil ayaw na umano ng amo nito na may kasamang Filipino sa bahay. Gayunman, sinabi ni Baldoz na kaagad naman nahanapan ng ibang mapapasukan ang OFW na hindi na niya pinangalanan. Sa kabila ng panibagong insidente ng pagpapaalis sa trabaho ng OFW sa HK, naniniwala ang kalihim na hindi na madadagdagan ang naturang bilang. “Hindi ako nag-eexpect ng backlash… I don’t think it [the situation] will worsen, and it will only few cases," pahayag ni Baldoz sa panayam sa GMA primetime news na 24 Oras nitong Martes. Muling pinaalalahanan ni Baldoz ang mga Filipino sa HK na igalang ang nararamdaman ng mga residente sa naturang teritoryo ng China dahil sa naganap na trahedya sa Maynila noong Lunes. “Patuloy pa rin irespeto ang national grief na nararamdaman ng buong gobyerno ng Hong Kong… Doblehin pa ang maayos na serbisyo sa employers nila," payo ng kalihim. Una rito, kinumpirma ni Baldoz noong Sabado na isang Pinay DH ang nawalan ng trabaho sa Hong Kong dahil sa galit ng amo nito sa nangyaring trahedya sa kanyang mga kababayan. Naging maayos naman umano ang paghihiwalay ng OFW at kanyang mga amo, at ibinigay sa kanya ang lahat ng benepisyo na dapat nitong makuha. Lumitaw din sa ulat ng 24 Oras na nabawasan o bumaba ang bilang ng mga Pinoy na nais magtrabaho sa Hong Kong dahil na rin sa mga ulat na masama pa rin ang loob ng mga residente nito sa mga Filipino. Batay sa listahan ng pamahalaan, tinatayang aabot sa 150,000 ang Pinoy na nagtatrabaho sa Hong Kong kung saan karamihan ay mga domestic helper. – GMANews.TV