ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Perang ipamimigay ng gobyerno sa mga mahihirap dapat daw pagpaguran


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Hindi umano dapat basta na lamang ipagkaloob ng pamahalaan ang P21 bilyong pondong inilaan sa kontrobersiyal na Conditional Cash Transfer (CCT) o dole-out program ng pamahalaan sa mga mahihirap na benepisaryo nito. Ayon kay Fr. Anton CT Pascual, presidente ng Radyo Veritas at executive director ng Caritas Manila, makababawas sa dignidad ng tao ang basta na lamang pagkalooban ng pera na hindi pinaghirapan. Idinagdag ni Pascual na nakasaad din sa Bibliya na hindi dapat bigyan ng pagkain ang taong ayaw magtrabaho. “Nasa Catholic teaching na mahalaga ang work, pero kailangan ang dignidad at respeto sa bawat tao na kung bibigyan sila ng pagkain dapat paghirapan nila ‘yan," paliwanag ni Pascual sa panayam ng Radyo Veritas nitong Huwebes. Nitong Huwebes, umabot na sa 52 kongresista ang pumirma sa manipesto laban sa pag-apruba ng P21 bilyong pondo para sa CCT programa na pamamahalaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Maging si dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, kongresista ngayon ng Pampanga, ay nagpahayag ng pagdududa sa programa na ipatutupad ng dati niyang kalihim at kaalyado na si DSWD Sec. Dingky Soliman. Mungkahi ni Pascual, ipamahagi ng pamahalaan ang pondo sa mga mahihirap kaakibat ng trabaho gaya ng paglilinis ng mga estero sa mga nasa lungsod at pagtatanim ng mga punong-kahoy sa mga nasa lalawigan. Sa ganitong paraan, sinabi ni Pascual na hindi magpapakita ng maling impresyon ang gobyerno na kinukonsinti nito ang katamaran at hayaan ang mga tao na umasa na lamang sa limos. Kasabay nito ay umaasa ang alakad ng Simbahan na hindi mauuwi sa bulsa ng ilang tiwaling opisyal ng pamahalaan ang pondo. - GMANews.TV