ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

21 nagipit na OFWs sa Malaysia nakauwi na sa Pilipinas


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Mistulang tumanggap ng maagang pamasko ang 21 nagipit na overseas Filipino workers (OFWs) sa Malaysia matapos silang tulungang makauwi sa Pilipinas kasama ang limang bata. Lumapag sa Ninoy Aquino International Airport ang eroplanong sinakyan ng mga OFWs nitong Biyernes ng umaga sa tulong ng Sagip OFW program ni Sen. Manny Villar. Halos lahat ng mga OFW ay biktima umano ng illegal recruitment, at may ilan din na nahikayat ng kakilala na magtungo sa Malaysia bilang turista kapalit ng pangakong tutulungan silang maghanap ng trabaho sa nabanggit na bansa. Mula sa NAIA, nagtungo ang mga OFWs sa isang restaurant sa Macapagal Boulevard para mag-almusal kasama ang kanilang mga kamag-anak at doon na rin nila nakaharap ang senador. “Gaya po ng sinabi natin dati, hindi man tayo palarin na pamunuan ang bansa hindi po tayo hihinto sa pagtulong sa mga kababayan natin na nangangailangan ng tulong," pahayag ni Villar patungkol sa resulta ng May 2010 presidential elections kung saan natalo siya kay Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Idinagdag ng senador na hindi niya itinigil ang kanyang programa sa pagtulong sa mga OFW pagkatapos ng halalan dahil patuloy umano ang dating ng mga tawag, email, at text ng mga OFW at kanilang mga kamag-anak na humihingi ng tulong. Sinabi niya na nananatiling malaki ang problemang kinakaharap ng mga Pilipinong nangingibang-bayan sa pag-asam na mabibigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya na maiiwan sa Pilipinas. Ang mga nakauwing OFWs ay sina: Johnny Sinaban, 22 (Quirino, Isabela); Romy Daligdig, 29 (Tanza, Cavite); Dennis Peralta, 29 (Quirino, Ilocos Sur); Ronaldo Closa, 34 (Saguday, Quirino); Jores Palma, 24 (San Jacinto, Pangasinan); Miriam Estenor, 38 (Talisay, Cebu); Melanie Fabrigas, 26 (Rosales, Pangasinan); at Rolando Fernandez, 38 (Leloy, Zamboanga del Norte). Kasama rin sina Estella Joseco, 39 (Caloocan City); Ernesto Linocon, 45 (San Isidro, Davao Oriental); Manuel Natividad, 41(Tagum, Davao del Norte); Artemio Valuz, 52 (Binangonan, Rizal); Irene Valuz, 24 (Binangonan, Rizal); Emma Aronce (Binondo, Manila), 45; Jessette Bacani, 28 (Quezon City); Juvy Quinlat, 44 (Dingle, Iloilo); Ma. Arlene Santillan, 34; Mokrim Marwan, 28 (Sumisip, Basilan); Gemma Tegerro, 41 (Dasmarinas, Cavite); Mimi Marie Lozada, 35 (Ballesteros, Cagayan Valley); at Ramon Sto. Domingo, 47 (Cardona, Rizal). Bukod sa pagpapauwi ng mga nagipit na OFW, kamakailan ay inilunsad ni Villar katuwang ang Blas F. Ople Policy Center ang “Skills-Up" program, na nagkakaloob ng vocational skills scholarship sa mga biktima ng human trafficking at illegal recruitment. Layunin nito na mabigyan ng dagdag na kaalaman sa hanapbuhay ang mga makikinabang sa programa tulad ng kursong hotel housekeeping at barista kung saan katuwang nila ang Asian School of Hospitality Arts. – GMANews.TV