ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

MRT muling nagkaaberya; kalumaan ng gamit sinisi ng opisyal


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Napilitang maglakad sa gilid ng riles ng tren ang mga pasahero ng Metro Rail Transit (MRT) nang tumirik ang mga bagon nito sa pagitan ng Cubao at Santolan station nitong Huwebes ng umaga. Sa ulat ng dzBB radio, sinabing naglakad ang mga pasaherong patungong southbound ng EDSA pabalik sa Cubao Station sa Quezon City. "Nasunog ang wire, sa may Cubao ... Doon lang ang tren sir ," ayon sa isang pasahero.
Ang mga pasahero ng MRT na napilitang maglakad nang magkaaberya ang tren sa gitna ng Cubao at Santolan station nitong Huwebes. GMANews.TV
Walong pasaherong babae rin umano ang bahagyang nasaktan nang magtulakan ang mga pasahero sa paglabas ng tren. "Nagtulakan na, kung di ka pa pababa, matutulak ka pababa ... Natulak din ako palabas," kuwento ng isang nasaktang pasahero. Idinagdag sa ulat na dahil sa nangyaring aberya ay naapektuhan din ang mga pasaherong naghihintay sa ibang estasyon kabilang na ang nasa Ayala station na maraming pasaherong naghihintay. Tumagal din umano ng ilang minuto bago nakabalik sa normal ang operasyon ng MRT. Sa hiwalay na panayam ng dzBB radio kay MRT General Manager Glicerio Sicat, sinabi nito na ang katandaan ng mga makina at gamit ng tren ang dahilan ng pinakabagong aberya sa mahigit 10-taong MRT. "Ngayon madalas na, 10 years old ang tren. Kulang tayo sa budget, hindi natin mapalitan ang vehicles ng bago kasi wala tayong budget. Nag-a-attempt kami ng fare hike para magkaroon ng kaunting budget," pahayag ni Sicat. Ang nangyaring aberya umano nitong Huwebes ay bunga ng kalumaan ng mga sasakyan at sa makina nito. Nitong Martes, 10 tao ang nasaktan nang magkaaberya at tumigil ang escalator sa Ayala station ng MRT. Dahil sa insidente, inutos ng Department of Transportation and Communications na suriin lahat ng escalator ng MRT at Light Rail Transit. Sa Marso ay inaasahang maipapatupad na ang dagdag na singil sa pamasahe sa MRT at LRT upang mabawasan ang ibinibigay na subsidiya ng pamahalaan sa mga pasahero. - GMANews.TV