ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Ethics complaint vs Lacson sa Senado, hindi maaapektuhan ng CA ruling
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA â Mananatili ang reklamong nakabinbin sa Senate Ethics Committee laban kay kay Sen Panfilo Lacson, kahit pa ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang double murder case na kinakaharap ng nagtatagong senador. Ayon kay Senate Minority Floor Leader Alan Peter Cayetano, hiwalay na reklamo ang kinakaharap ni Lacson sa ethics committee na inihain ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC). "So far walang magiging epekto yung kaso sa CA dun sa finile sa ethics committee. They're different cases and there are different courses of action," paliwanag ni Cayetano, chairman ng nasabing komite, sa panayam ng media nitong Biyernes. Nitong Huwebes ay nagpalabas ng desisyon ang CA na pumabor sa inihaing petisyon ng kampo ni Lacson na ibasura ang kasong pagpatay, at pawalang bisa ang arrest warrant na ipinalabas ng mababang korte sa Manila laban sa senador. Si Lacson ay inaakusahang nasa likod ng pagpatay at pagsunog sa mga labi ng publicist na si Salvador Dacer at sa drayber nitong si Emmanuel Corbito. Natagpuan ang kanilang mga labi sa Cavite noong taong 2000. Sa kanyang sinumpaang salaysay, idiniin ng dating pulis na si Cesar Mancao sa naturang krimen si Lacson. Ngunit mariing itinanggi ng senador ang bintang ng dati niyang tauhan.. Bagaman iginagalang ang desisyon ng korte, sinabi ni Cayetano na itutuloy nila ang pagdinig sa reklamo laban kay Lacson. "The ethics case is independent of the criminal charges that were filed or whatever the CA decided and will decide on the issue," pahayag ni Cayetano nang kapanayamin ng media. Bagaman wala pang itinakdang araw kung kailan didinggin ang reklamo, tiniyak ng senador na magiging patas siya sa VACC at kay Lacson. "They will always be given a fair trial and due process in the Senate. No one is above the law, even the Senate," aniya. Inireklamo ng VACC si Lacson dahil sa patuloy nitong pagtatago mula pa noong Enero 2010, ilang araw matapos lumabas ang arrest warrant ng Manila court. Nagpalabas naman ng kautusan ang liderato ng Senado noong Oktubre 2010 para kanselahin ang pagpapalabas ng pondo sa opisina ni Lacson. Ayon kay Cayetano, sisimulan niya ang pagdinig kapag nabuo na ang gagamiting panuntunan na magiging gabay ng komite. Hinihintay na lamang umano niya ang komento ng mga senador tungkol sa ârules" ng komite. Igalang ang desisyon ng CA Bagaman may ilang nagdududa sa desisyon ng CA na pabor kay Lacson, sinabi ng kaalayado nitong si Sen Francis Escudero na dapat igalang ang pasya ng appellate court. Hindi rin umano maganda na mag-akusa na sadyang pinaboran ng CA si Lacson kung wala namang maipakikitang katibayan. âDapat igalang natin ang naging desisyon ng CA," ayon Escudero. âMahirap mag-akusa sa mga miyembro ng Court of Appeals. Pero kung may ebidensiya, ibang usapan na yan." Una rito, sinabi ng kritiko ni Lacson na si Mary âRosebud" Ong, na hindi siya nagulat sa naging desisyon ng CA dahil kilala umano ang nagtatagong senador na kaalyado Pangulong Aquino. Sa kabila ng desisyon ng CA, naniniwala Sen Vicente âTito" Sotto III na matatagalan pa bago lumutang si Lacson dahil na rin sa inihaing motion for reconsideration ng government prosecutor. Iginiit ni Justice Sec Leila De Lima na nananatiling may bisa ang arrest warrant laban kay Lacson dahil nakaapela pa ito. Taliwas naman ito sa paniwala ng mga abogado ng senador, na nalusaw na ang bisa nito batay sa desisyon ng CA. (Basahin:Lacson not yet off the hook, says Mancao's US lawyer) - GMANews.TV
More Videos
Most Popular