ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

3 pang miyembro ng Gabinete ni PNoy, lusot na sa CA


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Inaprubahan ng Commission on Appointments (CA) nitong Miyerkules ang kumpirmasyon ng tatlo pang miyembro ng Gabinete ni Pangulong Benigno “Noynoy Aquino III. Walang hirap na nakalusot sa CA ang ad interim appointments nina Secretary Mario Montejo (Department of Science and Technology), Secretary Rosalinda Baldoz (Department of Labor and Employment), at Secretary Enrique Ona (Department of Health). Sina Alagad party-list Rep. Rodante Marcoleta, Camarines Sur Rep. Luis Villafuerte, at Sen. Ramon Bong Revilla Jr., ang nag-endorso para sa kumpirmasyon nina Montejo, Baldoz, at Ona. Bago ang kumpirmasyon, inusisa muna ng ilang miyembro ng CA kung maaapektuhan ng nakaambang balasan sa Malacanang ang tatlong kalihim dahil mawawalan ng silbi ang paglusot nila kung kasama naman sila sa papalitan ni Aquino. “I have no idea your honor," sagot ni Baldoz. Inirekomenda ni Sen. Franklin Drilon ang kumpirmasyon ni Baldoz dahil kilala daw niya ang reputasyon ng kalihim kung saan nagsilbi rin siya na dating pinuno ng DOLE noong termino ni dating pangulong Cory Aquino. Kuwento ni Drilon, nang panahon na iyon ay nai-promote pa niya si Baldoz sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB). Hindi na rin hinarang ni Sen. Miriam Defensor Santiago ang pagpapatibay ng appointment ni Ona matapos na mangako itong susundin ang patakaran sa paghihigpit ng non-related organ donation. Sa plenaryo, walang tumutol sa kumpirmasyon ng tatlo kaya naging mabilis ang proseso sa kanilang paglusot sa CA. Nauna nang nakalusot sa CA sina Executive Sec. Paquito Ochoa, Environment Sec. Rogelio Singson, Agriculture Sec. Proceso Alcala, Tourism Sec. Alberto Lim, Energy Sec. Jose Rene Almendras, Trade and Industry Sec. Gregory Domingo at Education Sec. Armin Luistro, at Budget Sec Florencio Abad. Ipinagpaliban naman ang kumpirmasyon kina Defense Sec. Voltaire Gazmin at Agrarian Reform Sec. Virgilio delos Reyes. Ang CA ay pinamumunuan ng Senate president at kinabibilangan ng 12 senador at 12 kongresista. - GMA News