ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lalaking OFWs, mas naglalabas ng saloobin tungkol sa pamilya


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Mas marami umano ang lalaking overseas Filipino worker (OFWs) na dumudulog sa isang counseling program sa Internet, at naglalabas ng kanilang sintemyento sa naiwang pamilya sa Pilipinas. Sa ulat ni GMA News reporter Mark Salazar sa primetime news 24 Oras nitong Biyernes, sinabi nito na pakiramdam ng ibang OFWs ay nagiging gatasan lamang sila, o naalala lang ng mga kamag-anak kapag kailangan ang pera. Ito umano ang nagiging sumbong ng ilang OFW na dumudulog sa online counseling na OFW Online na binuo ng psychology department ng Ateneo. “They feel like piggybank yun lang yung silbi nila...one of the things we think might be helpful for OFWs is mare-affirm sila in a regular basis ng pamilya nila. Naappreciate nila yung sacrifices hindi lang yung hingi lang kayo ng hingi, na they just not bank," ayon kay Dr Regina Hechanova. Ayon sa ulat, 75 porsiyento ng mga dumudulog sa online counseling ay mga lalaking OFWs, at 25 porsiyento naman ang babae. Malaking bilang umano ng mga OFW ay galing sa Middle East (64 porsiyento) at sumunod naman ang Asia (13 porsiyento).
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sa talaan umano ng Asian Migrant Coordinating Body, ang ME ang pinakamalalang destinasyon para sa mga OFW dahil na rin sa mga ulat tungkol sa nagaganap na paglabag sa human at labor rights sa nasabing lugar. Dahil dito, mas kailangan umanong alagaan sa tawag o text ang mga mahal sa buhay na nagtatrabaho sa ME, ayon sa ulat. Idinagdag ni Hechanova na pinakamahirap sa bahagi ng OFW ang mahiwalay sa mahal sa buhay para maitaguyod ang pamilya. Dito ay nagkakaroon umano ng pangamba ang mga OFW na baka nalimutan na sila ng kanyang mga anak o baka may ibang kinakasama na ang naiwang asawa sa Pilipinas. Kaya naman bukod sa usapin ng pangungulila o kalungkutan, karaniwang idinudulog umano sa online counseling ay marital problem at pagtataskil. Ang obligasyon na buhayin ang pamilya kahit mawalan sa mahal sa buhay ay napansin din umano sa mga OFW na napilitang umuwi sa bansa dahil sa kaguluhan sa Libya. Mas takot daw ang mga OFW na harapin ang kanilang pamilya sa Pilipinas kaysa sa gulong iniwan nila sa Libya. Paliwanag naman dito ni Hechanova: “Kasi ang dami-dami masyadong dumidepende sa kanila. Parang nahihiya silang sabihin na wala na kaming suportang maibibigay senyo ngayon, parang feeling nila they failed." Maging sa social networking site na Facebook ay tila ipinapakita ng mga OFW ang kanilang sintemyento na hindi madaling kitain ang pera sa abroad. Sa fan page na “OFW lang po ako! Magtipid kayo, Hindi AKO Bangko," umabot na sa 66,099 ang nag-like dito. - Fidel R Jimenez, GMA News