Filtered By: Topstories
News

Ligtas ang mga Pinoy sa Syria, ayon sa isang opisyal


Sa kabila ng nagaganap na mga protesta sa Syria, tiniyak ng isang embahador ng Pilipinas na ligtas ang mga Pilipino na nagtatrabaho sa nabanggit na bansa. Sa ulat ng GMA News TV Balitanghali, sinabi ni Wilfredo Cuyugan, Philippine ambassador to Syria, na ang sitwasyon sa Syria ay hindi kasing lubha gaya ng mga naipapalabas sa ilang media outlet. “Unang una huwag sila mabahala kasi 'di totoo ang lahat na nakikita. Pangalawa, ang Pilipino rito well-coordinated. ... At number three, handa ang embassy in case kailangan. Nakahanda kami, di namin sila papabayaan," paliwanag ng opisyal. Iniulat na ilang pro-democracy protesters ang pinaslang ng mga kasapi ng security forces ng gobyerno sa Syria bunga ng mga nagaganap na protesta. Sinabi ng mga aktibistang namamahala sa mga nagpoprotesta na 88 sibilyan ang pinaslang ng mga tauhan at armadong grupo na patuloy na sumusuporta kay President Bashar al-Assad. Nais ng mga nagpoprotesta na magkaroon ng reporma sa kanilang gobyerno at matigil ang katiwalian. Ngunit paliwanag ni Cuyugan, ang sitwasyon sa Syria ay hindi kasing lubha gaya ng mga naiuulat sa media. “Malayong malayo po (sitwasyon sa Syria). Kung (ti)tingnan ninyo ang video paulit-ulit po," paliwanag ni Cuyugan. — GMA News

Tags: ofwsinsyria, ofws