ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Patakaran sa pagpapadala ng domestic helper sa abroad, dapat na raw repasuhin


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Depektibo umano ang binuong patakaran noong 2006 para sa pagkuha at pagpapadala sa abroad ng mga domestic helper (DH) o Household Service Worker (HSW) kaya kailangan nang repasuhin. Sa isang pahayag nitong Sabado, tinukoy ng recruitment consultant na si Lito B. Soriano, ang apat na usapin sa HSW’s policy na kailangang pag-aralan muli ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan. Kabilang umano dito ang itinakdang sahod ng mga DH na nagkakahalaga ng U.S $400 na tinutulan umano noon ng mga employer sa Middle East at Southeast Asia. Nais din ni Soriano na repasuhin ang ginagawang pagsasanay sa mga aplikante na isinasagawa ng mga accredited training centers ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Inayunan ni Soriano ang naunang naging pahayag ni Alfredo Palmiery, presidente ng Federated Associations of Manpower Exporters (FAME), na ang mataas na sahod na hiningi ng pamahalaan para sa mga HSW ay nagiging dahilan para tumaas din ang insidente ng illegal recruitment na nag-aalok sa mga kliyente ng mas mababang pasahod. “We have a high incidence of HSWs being repatriated because our female and unskilled workers being deployed as domestic workers are not matured enough to undertake domestic helpers duties as many of them of them are new graduates unfamiliar of household work," ayon sa pahayag. Pinuna ni Soriano na hindi umano sapat ang kaalaman na itinuturo sa training modules ng mga accredited training center, at hindi lubos na nasusuri ang kakayanan ng mga aplikante na magtrabaho bilang HWS sa abroad. Ang naturang mga problema ay hindi umano nakatutulong para mapalakas ang demand ng HSWs sa Middle East at Southeast Asia. Bagkos, ang kakulangan ng kasanayan ng mga aplikante ang nagiging dahilan para mahirapan sila sa kanilang gawain pagdating sa bansang pupuntahan nila. “Most of the time the training of these workers are not properly implemented and it is only a profit-oriented goal of the center to produce a large volume of HSWs trained workers so that there is no competent evaluation on the worker and just like a diploma mill these centers spew out poorly trained HSWs," ayon kay Soriano. Maging ang country specific and culture training course na ibinibigay umano ng Overseas Workers Welfare Administration ay kailangan ding repasuhin. Binuo ang mas mahigpit na patakaran sa pagpapadala ng mga DH o HSW noong 2006 bunsod ng tumataas na bilang ng pang-aabuso sa naturang uri ng mga migranteng manggagawa sa abroad, na kinabibilangan ng mga minor-de-edad. (Basahin:FAQs on new hiring policy on household service workers) - FRJimenez, GMA News