ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf, nadakip sa Taguig City


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Isang security guard na hinihinalang miyembro ng teroristang grupong Abu Sayyaf ang nadakip ng mga awtoridad sa Taguig City. Sa isang pahayag na ipinalabas ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) nitong Biyernes, kinilala ang dinakip na si Imam Arabani Jakiran, 39, security guard sa Pacific Tower Plaza hotel sa Global City, Taguig City. Dakong 6:00 a.m nitong Huwebes nang dakpin umano si Jakiran sa naturang hotel ng pinagsanib na puwersa ng National Capital Region-Criminal Investigation and Detection Unit (NCR-CIDU) at intelligence operatives ng Armed Forces of the Philippines.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Ayon kay Chief Superintendent Samuel Pagdilao Jr., CIDG director, gumagamit si Jakiran ng alias na Abdurahim Gustaham Arabani, at may nakapatong na pabuyang P350,000 para sa kanyang ikadarakip. Nagmula umano si Jakiran sa Jolo, Sulu, at kasalukuyang naninirahan sa Salam Compound sa Barangay Culiat, Tandang Sora, sa Quezon City. Idinagdag ni Pagdilao na may nakabinbing arrest warrant laban kay Jakiran sa kasong kidnapping for ransom na ipinalabas ni Judge Danilo Buloy ng 9th Judicial Region, Branch 2 sa Isabela, Basilan. Inihayag naman ni Senior Superintendent Joel Napoleon Coronel, NCR-CIDU chief, na sangkot din si Jakiran sa pagdukot ng apat na kawani ng Dr. Jose Maria Torres Memorial Hospital sa Lamitan, Basilan, at sa anim na magsasaka sa Lantawan, Basilan, na parehong naganap noong 2001. Matatandaan na hinigpitan ng pamahalaan ang seguridad sa bansa matapos mapatay ng mga operatiba ng Amerika ang al Qaeda leader na si Osama bin Laden sa Pakistan. Nitong Martes, inihayag ng National Security Council na ang tatlong grupo ang may kaugnayan sa Al Qaeda ay ang Abu Sayyaf, Jemaah Islamiyah, at Rajah Sulaiman Movement. – GMA News