ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

De Lima, ‘igigisa’ ni Lacson kapag isinalang na sa CA


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Uulanin ng napakaraming tanong mula kay Sen. Panfilo Lacson si Justice Secretary Leila de Lima kapag isinalang na ang kumpirmasyon nito sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA). Sa panayam ng media nitong Huwebes, hinikayat pa ni Lacson ang mga mamamahayag na panoorin ang gagawin niyang pag-usisa sa kakayanan ni de Lima bilang pinuno ng DOJ. "Ang inaalam dito, qualified ba saka competent ba? Pwedeng qualified pero hindi naman competent. Of course, kung hindi qualified, siguro hindi na rin competent," pahayag ng mambabatas, sabay paglilinaw na hindi lang si de Lima ang nais niyang igisa sa CA, kundi maging ang iba pang opisyal. Kabilang si de Lima sa mga pinuna kay Lacson nang magtago ito para makaiwas sa arrest warrant na ipinalabas ng mababang korte kaugnay sa kinasangkutang pagpatay sa publicist na si Salvador "Bubby" Dacer at sa drayber niyang si Emmanuel Corbito. Inatasan din ni de Lima ang National Bureau of Investigation (NBI) na tugusin noon si Lacson. Ang NBI ay nasa ilalim ng pamamahala ng DOJ. Hindi naman ipinaalam ni Lacson kung ano ang mga uri ng katanungan na ibabato niya kay de Lima. Sinabi naman ni de Lima na hindi niya pepersonalin at handa niyang sagutin ang mga itatanong ni Lacson kapag isinalang na siya sa CA. "I'd like to say that I'll be ready always kahit hindi si Senator Ping Lacson ang mag-interrogate sa akin sa CA," pahayag ni de Lima na dumalo sa pagdinig ng isang komite sa Senado tungkol sa Anti-Money Laundering Law nitong Huwebes. Inaasahan na rin umano ng kalihim na marami ang itatanong sa kanya dahil marami ring “challenges and responsibilities," ang posisyon na kanyang hinahawakan. "I think it is but natural na yung sinasalang na Justice Secretary ay… parang ginigisa . I would expect that kind of atmosphere," dagdag ni de Lima. Gayunman, umaasa si de Lima na hindi malalabag ang kanyang karapatan kapag sumalang na sa CA. "I just want that my rights are also protected when I appear before proceedings like that (so) I would hope and wish that they would be kinder to me," pahayag nito. – GMA News