ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Chief of Staff ni PNoy: Roxas nasa Palasyo na sa Hunyo


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Sa unang linggo ng Hunyo ay inaasahang uupo na sa kanyang puwesto bilang Chief of Staff ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, si dating senador Mar Roxas. Ayon deputy spokesperson Abigail Valte, inaasahan na pipirmahan ni Aquino ang appointment papers ni Roxas sa loob ng susunod na dalawang linggo, o bago matapos ang Mayo. “Nabanggit na ni Pangulong Aquino noong kami nasa Davao, he expects to sign the administrative order and release it in two weeks," paliwanag ng tagapagsalita ni Aquino sa panayam ng dzRB radio nitong Sabado. Nang tanungin kung posibleng makapuwesto na si Roxas sa Hunyo, tugon ni Valte: “Opo mga ganoon, first week of June." Idinagdag ni Valte na nagkaroon din ng pribadong pag-uusap sina Aquino at Roxas, ngunit hindi niya alam ang detalye ng naturang pulong. Si Roxas – runningmate ni Aquino sa Liberal Party, ay natalo kay vice president Jejomar Binay noong May 2010 presidential elections. Una rito, sinabi ni Aquino na itatalaga niyang “troubleshooter" si Roxas kapag napaso na ang “one-year-ban" sa mga natalong kandidato sa nakaraang halalan. Nagtapos ang naturang "ban" sa mga natalong kandidato noong Mayo 10, 2011. Gayunman, ilang tagamasid sa pulitika ang nag-aalala na baka lalong lumala ang pagkakahati-hati sa Malacanang sa gagawing pagpasok ni Roxas sa Gabinete. Lumabas sa mga ulat na mayroon mga paksiyon sa Palasyo na kinabibilangan ng “Balay group" na umano’y kaalyado ni Roxas, at “Samar group" na pinapaniwalaang sumuporta sa tambalang Aquino-Binay. Inaabangan din kung papaano ang magiging hatian sa trabaho nina Roxas at Executive Secretary Paquito Ochoa, na sinasabing kaalyado ng “Samar group," at hindi miyembro ng LP. Samantala, ipinahiwatig ni Valte na hindi hihikayatin ni Aquino si Roxas na ibasura ang electoral protest na inihain kontra sa pagkapanalo ni Binay. Aniya, maging si Binay ay nagpahayag na umano na handa itong makipagtulungan kay Roxas para sa ikatatagumpay ng administrasyon ni Aquino. “Wala naman problema sa dalawang officials concerned. Kahit si Vice President Binay sinabi niya we’re all on the same team and willing to work on reform agenda of the president. Siguro dapat tumigil na doon," paliwanag ni Valte. Binalewala rin niya ang mga espekulasyon na magiging problema ang pagpasok ni Roxas sa Gabinete dahil masusi umanong pinag-aaralan ang paghahati sa trabaho ng Chief of Staff, Executive Secretary at Presidential Management Staff. – FRJ/LBG/HS, GMA News