Unang rehistradong arkitekto sa ‘Pinas
Kilala niyo ba kung sino ang kauna-unahang Pilipino na naging rehistradong arkitekto sa Pilipinas, at nagtayo ng isang unibersidad sa Maynila para ibahagi ang kanyang mga natutunan? Isinilang sa Maynila noong Disyembre 21, 1888, si Don Tomas Mapua ay nakapag-aral at magtapos ng kursong Architecture sa Cornell University sa Amerika noong 1911. Pagbalik niya sa Pilipinas pagkaraan ng isang taon, nagsimula siyang magtrabaho sa pamahalaan bilang draftsman. Ilan taon lang ang lumipas, naging supervising architect na si Mapua ng Bureau of Public Works, at pinamahalaan ang pagtatayo ng mga gusali ng gobyerno. Taong 1925 nang itayo niya ang Mapua Institute of Technology, na mayroong 80 inisyal na mag-aaral. Isang gusali sa Carriedo, Quiapo ang inupahan ni Mapua para gawing pamantasan, at sa gabi idinaraos ang klase ng mga mag-aaral na kumuha ng kursong Civil Engineering at Architecture. Hindi nakaligtas ang pamantasan ni Mapua sa mga gusaling nawasak noong digmaan sa panahon ng pananakop ng mga Hapones. Pagkaraan ng giyera, muling binuksan ni Mapua ang pamantasan sa bago nitong lugar sa Miserecordia St. Dahil sa mga karangalan na kanyang nakamit at naging kontribusyon sa larangan ng arketiktura sa bansa, ipinangalan kay Mapua ang kalye Miserecordia . Pumanaw si Mapua isang araw matapos ipagdiwang kanyang kaarawan noong Disyembre 22, 1965. - FRJimenez, GMA News