2 bata nasawi sa food poisoning sa Tuguegarao City
Matapos ang insidente ng pagkalason sa pagkain ng mahigit 100 katao sa Bulacan nitong Sabado, dalawang bata naman ang nasawi sa Tuguegarao City, Cagayan dahil din sa pinapaniwalaang insidente ng food poisoning. Sa ulat ng GMA new 24 Oras nitong Martes, sinabing dalawang estudyante sa kindergarten ang nasawi, at 42 estudyante at guro pa ang isinugod sa ospital. Ang insidente ay naganap sa Larion Bajo Elementary school sa Tuguegarao City. Ayon sa pulisya ng Tuguegarao City, ang mga biktima ay kumain ng pansit. Inakala umano ng isang guro na asin ang âoxalic powder" at inihalo ito sa pagkain. Ang oxalic powder ay sinasabing ginagamit sa panlinis ng marmol. Patuloy pa umano ang isinasagawang imbestigasyon sa nangyaring trahedya.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV State of calamity dahil sa food poisoning sa Bulacan Samantala, isinailalim sa state of calamity ang Brgy Mesulao, Calumpit sa Bulacan kung saan mahigit 100 katao ang naospital dahil sa pagkalason sa pagkain sa isang handaan nitong Sabado. Ayon kay Roland Ramos, kapitan ng barangay ng Meysulao, ang desisyon na ideklara ang state of calamity sa kanilang lugar ay ginawa para magamit ang calamity fund sa pagtulong sa mga biktima. Nagsagawa na rin ng medical mission sa lugar upang matulungan ang mga biktima sa barangay. Sinabi ni Dr. Jessie Fantome, regional epidemiology and surveilance unit office sa Bulacan, inaalam pa rin kung ang inihandang spaghetti o ang tubig ang dahilan ng pagkakalason. "Noong kami ay nag-imbestiga, hindi lang spaghetti ang hinanda sa party na iyan. May pansit, hotdog, ice cream, juice at lahat ng iyan ay nagpadala kami ng sample for testing," paliwanag ni Fantome. "May kaso din kasi kami ng nag-tae at sumakit ang tiyan na hindi naman kumain ng spaghetti. So titignan namin na baka tubig," idinagdag niya. - FRJ, GMA News