ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Gov Ampatuan nais magpa-checkup sa labas ng BJMP


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Hiniling sa Quezon City court ng suspindidong gobernador ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na si Zaldy Ampatuan na payagan siyang maipasuri ang kanyang kalusugan sa isang pribadong ospital. Sa inihaing petisyon sa sala ni Judge Jocelyn Solis-Reyes, ipinaabot ni Atty Redemberto Villanueva, abogado ni Ampatuan na akusado sa Maguindanao massacre, ang pangamba niya para sa kalusugan ng kanyang kliyente dahil mayroon itong diabetes. Kasalukuyang nakapiit si Ampatuan sa Cell Number 6 sa Quezon City Jail Annex sa Taguig City, kasama ang lima pang akusado. Malayo ang piitan niya sa iba pa niyang kamag-anak na akusado rin sa karumal-dumal na krimen na naganap noong Nobyembre 2009. "We want him to undergo an examination due to his fluctuating blood pressure and sugar level brought about perhaps by the changing weather," paliwanag ni Villanueva. Una rito, pinahintulutan ng korte si Ampatuan at kanyang ama at kapwa akusado na si Andal Ampatuan Sr., na sumailalim sa regular medical checkups sa loob ng piitan. Pero kailangan na umanong dalhin ang nakababatang Ampatuan sa pribadong pagamutan dahil hindi sapat ang kagamitan sa klinika ng Bureau of Jail Management and Penology, ayon kay Villanueva. Tiniyak naman nito na hindi magpapa-confine sa pribadong pagamutan ang kanyang kliyente. "Baka isang buong araw lang naman ang checkup pero hindi iko-confine," pagtiyak ni Villanueva. Ang naturang kahilingan ni Villanueva ay tinutulan naman ng panig ng prosekusyon dahil itinuturing "flight risk" ang kanyang kliyente. Minsan na rin hiniling ni Andal Sr., kay Judge Solis-Reyes na payagan siyang makapagpatingin sa ospital dahil naman sa namamagang paa at sakit na prostate. Matapos masuri ng duktor ng BJMP, inirekomenda na magpatingin ang nakatatandang Ampatuan sa private physician nito sa Makati Medical Center. -- GMA News