ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
PCSO Charter, nais amyendahan ng Senado
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA â Namumurong amyendahan ng Senado ang batas na lumikha sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) matapos matuklasan ang kontrobersiyal na paggamit ng pondo sa ahensiya ng nakaraang administrasyong Arroyo. Sa isinagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamunuan ni Sen. Teofisto Guingona III, nitong Miyerkules, sinabi ng senador na kailangang amyendahan ang Charter ng PCSO para matiyak na magagamit ang pondo sa tunay na mga benepisaryo. âThe funds intended to help indigent families and individual thru medical assistance and other social services were allocated to other purposes other than its mandate. So, it is very clear that we have to amend the charter of PCSO to be honest on its mandate," ayon kay Guingona. Isinagawa ang imbestigasyon dahil sa alegasyon na inabuso ng nakaraang administrasyong Arroyo ang pondo ng PCSO kabilang ang pamimigay umano ng mga sasakyan sa ilang Obispo ng Simbahang Katoliko. Sinabi ni Guingona, na mayroon mga ahensiya ng pamahalaan ang nakibahagi sa pondo ng PCSO kahit wala naman kinalaman sa tungkulin ng ahensiya sa paghahatid ng serbisyong pangkawang-gawa. âMalaking nawawala sa income ng PCSO sa charity funds sapagkat minamanduhan sila ng mga batas na magbigay na walang connection naman sa mandate ng PCSO. Remember that PCSO is a charitable instutition pero binigbigyan nila ng pondo yun mga Philippine Crop insurance, CHED (Commission on Higher Education) at iba pa na hindi naman connected at kumakain ito sa pondo ng PCSO, â paliwanag niya. Bukod dito, natuklasan din na may hiwalay na standby funds ang PCSO para sa ilang departamento ng pamahalaan tulad ng P1 bilyon para sa Anti-SARS program at P250 milyon para naman sa Anti-Bird flu program ng Department of Health (DOH). May hiwalay din umanong P1 bilyon na inilaan ang PCSO bilang standby fund ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Kasakuyang hindi ginagamit ng ahensiya ang naturang pondo at naka-imbak sa bangko kaya hindi nagagamit sa tunay na intensiyon ng PCSO charter. Ayon kay Guingona, layunin ng panukala na pagsama-samahin ang lahat nang nalilikom na pondo ng PCSO upang matiyak na mapupunta ito sa charity at tulong medikal sa mahihirap na pamilya at maghatid ng serbisyong pangkalusugan alinsunod sa programa ng pamahalaan na sugpuin ang kahirapan. Sa naturang pagdinig, nadiskubre na kumita ng aabot P49 milyon ang dating public relations and advertising chief ng PCSO na si Manuel Garcia na mula 2003 hanggang 2010 lamang. Lumitaw sa imbestigasyon na umaabot sa 40% ng gross amount ng bawat advertisement ng PCSO ang kinakaltas umano ni Garcia. Batay ito sa testimonya ng dalawang advertiser na sina Alexander Quizumbing at Ludovico Yuseco. Ang advertisement ng PCSO ay ipinapalabas umano sa ilang pahayagan, radyo at telebisyon sa buong bansa. - GMA News
More Videos
Most Popular