PHL consulate sa Jeddah, tiniyak ang ayuda sa mga OFW na nasunugan ng passport
Inihayag ng isang opisyal ng Philippine Consulate sa Jeddah, Saudi Arabia na tutulungang ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na nasunugan ng pasaporte sa lugar na ito kamakailan. Ayon kay Philippine Consulate Officer in Charge Leo Tito Ausan Jr., kaagad nilang ipoproseso ang aplikasyon ng mga OFW para sa bagong pasaporte na naapektuhan ng nasunog na dalawang gusali ng Alesayi Plaza noong Sabado ng gabi. Pero payo ng opisyal, mas makabubuti kung ang mga kumpanya ng mga OFW ang mismong magbibigay ng report tungkol sa mga tauhan nila kasamang nasunog ang pasaporte. Sa Saudi Arabia, ang mga dokumentong tulad ng passport ay isinusurender ng mga dayuhang manggagawa (tulad ng mga OFW) sa kanilang mga employer. Ang employer naman ay mag-iisyu ng Iqama o residence permit na magiging katibayan na legal ang kanilang pagtatrabaho sa bansa. Tinatayang 60 kumpanya umano ang nag-oopisina sa nasunog na gusali, kung saan aabot sa 2,000 ang empleyadong OFWs. Ayon kay Mandy Mandap, nagtatrabaho sa ground floor ng gusali, kaagad naman na nakaresponde ang mga bumbero at civil defense unit sa sunog pero sadyang mabilis ang pagkalat ng apoy. Dahil sa nangyari, sinabi ni Mandap na maraming OFWs ang posibleng hindi matuloy ang planong pagbabakasyon sa Pilipinas matapos matupok ang kanilang mga dokumento gaya ng mga pasaporte. Nanawagan siya sa pamahalaan na tulungan silang makapag-aplay at makakuha kaagad ng panibagong pasaporte. - Ronald Concha, GMA News