ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Tunay na resulta ng 2004 elections, mahalaga raw sa mga bumoto kay FPJ


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
BALITANG AMIANAN – Bagaman hindi na maibabalik ang buhay ni Fernando Poe Jr., mahalaga pa rin umano sa mga sumuporta sa pumanaw na aktor na malaman kung sino talaga ang nagwagi noong 2004 presidential elections. Ayon sa hipag ni Poe na si Rosario Pou, isang guro, at residente sa San Carlos, Pangasinan, kahit pitong taon na ang nakakaraan nang gawin ang 2004 elections, hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa kanilang angkan ang kabiguan sa panguluhang halalan ng tinaguriang “Da King" ng Philippine movie industry. Ang asawa ni Gng Rosario na pinsang-buo ni FPJ ay pumanaw na rin noong 2008. Sumakabilang-buhay si FPJ noong Disyembre 2004, ilang buwan matapos ideklara ang pagkapanalo ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Ipinakita rin ng mga kamag-anak ni FPJ sa San Carlos ang mga campaign materials na ginamit sa kampanya ng aktor. Ikinatuwa nila ang paglabas ng mga testigo na magpapatunay na nagkaroon umano ng dayaan noong 2004 elections kung saan idineklarang nanalo si Arroyo kay FPJ dahil sa kalamangan ng mahigit isang milyong boto. Giit ng mga kamag-anak ni Poe, dapat lumabas ang katotohanan na matagal na umanong hinihintay ng milyong-milyong Pilipino na sumuporta sa kandidatura ng aktor. At para sa mga apo ni Da King, mananatili raw buhay sa kanilang alaala ang kanilang lolo FPJ at magsisilbi sa kanilang inspirasyon. -- Balitang Amianan