ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

PNoy nagbigay ng pardon sa bilanggong patay na


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Lingid sa kaalaman ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, apat na araw ng patay ang isang bilanggo na pinagkalooban niya ng conditional pardon. Sa panayam ng media nitong Biyernes, inamin ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte, na walang nakapagbigay ng impormasyon sa Palasyo na pumanaw na bilanggo na may Stage 4 lung cancer. “Pumanaw (yung inmate) on the 15th at napirmahan yung kanyang pardon on the 19th.. In the interim wala hong nag-inform sa Office of the President na pumanaw na," pahayag ni Valte. Nitong Miyerkules, nabanggit pa ni Aquino sa isang panayam ang pagkakaloob niya ng pardon sa isang 62-anyos na bilanggo na nahatulang makulong ng habambuhay dahil sa kasong kidnapping. "Meron po akong pinirmahan, may terminally ill na convicted—reclusion perpetua ang sentence—I assume naibigay na sa kanya by this time," pahayag ni Aquino nang dumalop siya sa opening ceremonies ng National Science and Technology Week sa Pasay City noong Miyerkules. Dahil sa pangyayari, sinabi ni Valte na lalo nilang pag-iibayuhin ang koordinasyon ng mga ahensiya para sa pagpapalitan ng impormasyon . Ipinaabot naman ng opisyal ang pakikiramay ng Malacanang sa mga naulila ng pumanaw na bilanggo. “Gusto po nating ipaabot ang ating pakikiramay sa mga naiwan niya ang we find it deeply unfortunate na nagkaroon ng supervening event. Ngayon po tinitingnan natin yung closer coordination doon sa mga ganitong kaso," pahayag ni Valte. Bagamat huli na, umaasa si Valte na kahit papaano ay naibsan ng kaunti ang pagdadalamhati ng pamilya ng bilanggo sa ipinagkaloob na pardon ng pangulo. “Sana yung naibigay na clemency sa kanya ng Pangulo kahit na dumating pagkatapos ng kanyang pagpanaw sana po kahit konti, kahit papaano, kahit kakarampot ay maibsan ang pagdadalamhati ng kanyang naiwan," ayon kay Valte. Ang naturang bilanggo na walong taon ng nakapiit ay nahatulang makulong ng habambuhay ng Aparri Regional Trial Court sa kasong kidnapping at serious illegal detention. Ang naturang hatol ay kinatigan ng Supreme Court. - GMA News