ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

RH bill, tiyak na tutulan ng publiko, ayon sa isang Obispo


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Iginiit ng isang obispo ng Simbahang Katoliko na tiyak na hahadlangan ng publiko ang pagpasa ng Reproductive Health bill kahit pa sinuportahan ito ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III. “Talagang tututulan 'yan ng bayan, kasi iyan ay imoral. Kasi 'yan ay mali. At napakahirap naman na magkaroon tayo ng imoral na batas," pahayag ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, sa panayam ng Radio Veritas nitong Biyernes. Iginiit ni Pabillo, opisyal din ng maimpluwensiyang Catholic Bishops Conference of the Philippines, na ang RH bill ay dikta umano ng dayuhang pharmaceutical companies na gumagawa ng mga contraception at abortion pills. Sinabi ng obispo na hindi solusyon ang RH bill sa problema ng kahirapan sa bansa. Sa halip, gagastos lang umano ang gobyerno sa mga programang pipigil sa populasyon, sa halip na gugulin ito sa mga proyekto na kailangan ng mamamayan. “Ganyan nga ang kanyang (Aquino) ginagawa ngayon. Sa halip na ang kanyang popularidad ay gamitin para sa mga mabibigat na desisyon laban sa mga mayayaman, lumalabas ang desisyon niya ay laban sa taongbayan. Kaya dapat maging vigilant ang taongbayan sa present administration," panawagan ni Pabillo. Sa nakaraang pulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council (Ledac), inilatag ni Aquino ang 13-priority bills ng Malacanang, na kinabibilangan ng panukalang batas tungkol sa responsibleng pagpaplano ng pamilya. Maging si Cebu Archbishop emeritus Ricardo Cardinal Vidal, ay naniniwala na nagkaroon ng pressure kay Aquino mula sa United Nation at Amerika kaya isinama nito sa mga priority bill ang RH bill. Malacanang, CBCP dialogue lumabo na Sa hiwalay na panayam ng Veritas radio, ikinalungkot din ni Cebu Archbishop Jose Palma, ang ginawang pagsama ni Aquino sa RH bill bilang priority bills. Iginiit ni Palma, incoming president ng CBCP, na hindi nila ikokompromiso ang kanilang paninindigan na isulong ang moralidad at turo ng Simbahan kontra sa pagkitil ng buhay. Dahil sa lantarang pagsuporta ni Aquino sa RH bill, sinabi ni Palma na hindi na magaganap ang planong muling pag-uusap ng CBCP at Malacanang tungkol sa naturang panukalang batas. Kasabay nito, nanawagan ang arsobispo sa mga nagpapahalaga sa buhay at kontra sa RH bill na ipakita ang pagtutol sa naturang panukala. “I appeal to our legislators to make known our stand and to proclaim our belief in the many values that we are founding life sacredness of marriage values, of families and our conviction that the population is not the answer to poverty," panawagan niya. “We would like them to also proclaim to our sisters and brother Filipinos that we are not deaf nor blind to the cry of the poor and in particular of women," ayon pa kay Palma. - GMA News