ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Magnitude 8.0 na lindol, kaya raw ng Angat Dam


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

NORZAGARAY, Bulacan — Kampante ang isang opisyal na kayang lampasan ng 43-anyos na Angat Dam ang lindol na may lakas na magnitude 8.0. Ito ang tiniyak ni engineer Rodolfo German, general manager ng Angat River Hydro-Electric Power Plant (Arhepp), sa harap ng mga journalism students mula sa Bulacan State University (BulSU) kaugnay ng isinagawang “Lakbay-Aral." Sinabi ni German na ang tibay ng dam ay pinag-aralan na rin ng binuong technical working group ng Napocor, Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), at Power Sector Assets and Liabilities Management (Psalm). Sa kabila nito, kailangan pa rin daw magkaroon ng iba pang pag-aaral sa katatagan ng dam sa pagtama ng lindol na higit sa magnitude 8. “We are not taking any chances, that’s why we have to have experts to conduct an independent thorough study," paliwanag niya. Ang nasabing pag-aaral ay gagastusan umano ng pamahalaan ng $1 milyon o mahigit sa P40 milyon. Taliwas sa paniwala ng marami na ang dike ng dam ay gawa sa kongkreto, sinabi ni German na ito ay yari sa lupa at bato. “It is an earth and rock filled dam, kaya hindi nagka-crack. Magkaroon man ng crack ay naghihilom dahil nagsasara ang bitak," paliwanai ng opisyal. Noong 2009, nagpahayag ng pangamba ang Phivolcs dahil ang dam ay nakatayo ‘di kalayuan sa Marikina West Valley Fault Line. Sinabi noon ni Phivolcs Director Dr. Renato Solidum, na maaaring magdulot ng magnitude 7.2 na lindol ang paggalaw ng nasabing fault line. Sa tala ng Phivolcs, umabot sa magnitude 7.9 ang pinakamalakas na lindol na naitala sa kasaysayan na nagpayanig sa Metro Manila at mga karatig na lugar. -- GMA News